Mananatiling Kapamilya si Robi Domingo matapos niyang pirmahan ang panibagong kontrata sa ABS-CBN sa Dolphy Theater, ipinahayag niya nitong Huwebes ang pasasalamat sa halos 17 taon niya sa showbiz at sa network na naging tahanan niya mula sa simula.
Si Robi ang pinakabagong Kapamilya artist na nag-renew ng kontrata, kasunod ni Belle Mariano kamakailan. Simula nang maging housemate sa Pinoy Big Brother (PBB) noong 2008, lumago ang karera ni Robi bilang host ng iba’t ibang reality programs, at nasubukan din ang kanyang kakayahan sa pag-arte at pagsayaw.
Naalala rin niya ang kanyang dating batchmate sa PBB na si Ejay Falcon bago niya pinirmahan ang kontrata. “Grabe, andami na nangyari sa buhay natin pero palagi nating naaalala ang moment na kami ay housemates sa Big Brother house noong 2008. Iba na ang roles namin ngayon sa buhay pero mananatili ang mga memories,” ani Robi.
Tinanong kung gaano kahalaga sa kanya ang loyalty, sagot niya: “Not just in my line of work but also personal. Especially when I got married, loyalty is one of the things that I value.”
Ayon kay Robi, nananatili siya sa ABS-CBN dahil kapareho ng kanyang paniniwala ang mga values ng network.
“To stay with ABS-CBN is one thing but to believe in its core and its commitment to be in the service of the Filipino is another,” paliwanag niya.
Dagdag pa niya, nakikita niya rin ang parehong passion at dedication sa mga Kapamilya stars at staff na nanatili sa network kahit matapos ang shutdown at pandemya.
“Yung passion na ‘to, ganun yung gigil at grit na maibalik ang ABS-CBN kung saan dapat ito nararapat,” pagtatapos ni Robi.
