Isinumite na ng Department of Budget and Management (DBM) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Martes ang 2026 National Expenditure Program (NEP) na may kabuuang panukalang badyet na P6.79 trilyon para sa susunod na taon.
Ayon sa Malacañang, mas mataas ito ng 7.4% kumpara sa kasalukuyang taon at nakabatay sa tinatawag na Agenda for Prosperity, na layong pondohan ang mga programang maghahanda sa “future-ready generations” at tutulong maabot ang buong potensyal ng bansa.
Sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA), binalaan ni Marcos ang mga mambabatas laban sa insertions sa susunod na badyet, at nilinaw na hindi niya pipirmahan ang anumang spending bill na hindi tugma sa NEP.
“Hindi ko aaprubahan ang kahit anong budget na hindi alinsunod sa programa ng gobyerno para sa sambayanang Pilipino,” giit ng Pangulo.
Inaasahang ihahain ng DBM ang NEP sa Kongreso ngayong Agosto 13, hudyat ng pagsisimula ng taunang pagbusisi ng lehislatura sa pambansang pondo.
