PINABULAANAN ni Senate President Franciz “Chiz” Escudero ang paratang na may kinalaman siya sa mga flood control project na nakuha ng Centerways Construction and Development Inc., kumpanyang pag-aari ng kanyang campaign donor na si Lawrence Lubiano.
Si Lubiano, ayon sa ulat ng Rappler, ang pinakamalaking donor ni Escudero noong 2022 elections, nagbigay ng P30 milyon sa kampanya. Ang kumpanya niya ay kabilang sa 15 contractor na tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kumupo ng 20% ng halos 10,000 flood control projects mula 2022.
“Kung may ginawa siyang iligal, ulitin ko ha, kung may ginawang iligal sinuman, dapat managot sila. Pero wala akong kinalaman kaugnay sa program of work, pag-bid, pag-award,” giit ni Escudero.
Dagdag pa niya, karamihan sa mga kontrata ng Centerways ay nakuha bago pa siya bumalik sa Senado at habang gobernador pa ng Sorsogon.
Ayon sa datos na inilabas niya, mula 2020 hanggang 2024, P5.4 bilyon lang o halos 1% ng kabuuang flood control projects sa bansa ang napunta sa Centerways.
“Ang tanong ko, bakit pinagtuunan ng pansin yun? Yung 1 percent pa talaga, hindi yung 99 percent? Bakit pinagtuunan ng pansin, hindi yung mga mambabatas marahil o opisyal ng gobyerno na kontraktor?” pasaring ng senador.
Tinawag ni Escudero ang isyu na “malicious” at “ill-timed,” at sinabing bahagi ito ng umano’y planong patalsikin siya bilang Senate President para hindi na siya maupo sakaling may isa pang impeachment complaint sa susunod na taon.
Pero ayon kay House Deputy Speaker Ronnie Puno, walang demolition job.
“Masama yung pagka-blanket na ‘sinisiraan sa Kongreso,’ eh lahat kami tinatamaan. Kaibigan ko si Senator Chiz eh. Pati pa ako nadamay na naman sa akusasyon. Hindi, walang ganyanan. Huwag nating lalahatin. Siguro banggitin niya na kung sino ‘yun para at least magkasagutan na sila,” wika niya.
Maging si Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ay umayon na kailangang malinawan ang publiko sa usapin ng mga mambabatas na konektado sa mga contractor.
“‘Di ko naman alam kung sino din pinapatungkulan niya na mayroon pong demolition job against him… Ang totoo naman ho, siyempre talaga hong mayroong mga allegations ng legislator-contractors. So I think very important talagang ma-address ‘yun pong pinapangalanan na legislator-contractors or ‘yung mga related sa contractors po,” giit ni Ridon.
