Itinaas na ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa buong Batanes ngayong Martes ng umaga, Agosto 12, habang patuloy na bumabaybay sa Philippine Sea ang bagyong Gorio (international name: Podul).
Kahit “minimal” lang ang epekto ng hangin sa ilalim ng Signal No. 1, binalaan ng PAGASA na posibleng umakyat sa Signal No. 2 ang babala kung magbabago ng direksiyon o lalakas pa si Gorio. Posible ring lumawak ang apektadong lugar kung lilihis ang bagyo patimog o tataas ang lawak ng kanyang sirkulasyon.
Alas-10 ng umaga, nasa 560 kilometro silangan ng Itbayat, Batanes ang sentro ng bagyo. May dala itong 120 kph na hangin at bugso na 150 kph, at kumikilos pa-kanluran sa bilis na 25 kph.
Inaasahang tatama sa silangang baybayin ng Taiwan sa Miyerkules ng hapon, Agosto 13, at lalabas ng PAR pagsapit ng gabi.
Dahil kay Gorio, aabot sa 5.5 metro ang alon sa paligid ng Batanes—delikado ang biyahe sa lahat ng uri ng sasakyang pandagat. Pinapayuhan ang mga mangingisda at sakay ng maliliit na bangka na huwag munang pumalaot.
Sa Babuyan Islands, aabot din sa 3.5 metro ang taas ng alon, kaya banta rin ang paglalayag.
“Manatili muna sa ligtas na lugar at huwag isugal ang buhay sa malakas na hangin at delikadong dagat,” paalala ng ahensya.
