Inireklamo sa Office of the Ombudsman (OMB) si Department of Health (DOH) Secretary Teodoro J. Herbosa dahil sa umano’y di pa naililiquidate na cash advances na nagkakahalaga ng P1.29 bilyon na ipinasa noong 2024 sa United Nations Children’s Fund (UNICEF) para sa pagbili ng life-saving vaccines at essential drugs.
Isinampa ang reklamo noong Agosto 11 ng isang grupo na tinawag ang sarili nilang “Concerned DOH Employees,” na nag-submit nang walang pangalan dahil sa takot sa posibleng pananabotahe ngunit may matibay na hangaring panatilihin ang tiwala ng publiko.
Ayon sa reklamo, kahit na hindi pa nalilinaw ang paggamit ng unang P1.29 bilyong pondo, pinasimulan ni Herbosa ang panibagong procurement para sa dagdag na P524.9 milyon na bakuna sa UNICEF.
Sinampahan si Herbosa ng mga kaso ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019), Malversation of Public Funds sa ilalim ng Revised Penal Code, at paglabag sa Code of Conduct para sa mga Opisyal ng Gobyerno (RA 6713).
Hindi agad nakontak si Secretary Herbosa para sa kanyang panig, ngunit nangangakong ilalathala ng Agila ng Bayan ang kanyang pahayag kapag natanggap na mula sa OMB.
Nilinaw ng reklamo na karamihan ng mga item mula sa UNICEF ay natanggap noong mga buwan ng Pebrero, Marso, at Hunyo ng 2024, kaya dapat nang nalinaw ang paggamit ng pondo ayon sa patakaran ng gobyerno. Ngunit hanggang Hulyo 30, 2024, nanatiling hindi nalilinaw ang mga cash advances.
Bukod dito, inakusahan si Herbosa na sinamantala ang sitwasyon sa pamamagitan ng pag-apruba ng dagdag na procurement nang hindi muna naililinaw ang mga naunang pondo.
Pinuna rin ng mga nagreklamo ang maling pagklasipika ng cash advances bilang “advances to contractors,” samantalang ang UNICEF ay hindi kontratista kundi isang third-party international organization. Ayon sa kanila, hindi ito simpleng clerical error kundi sinadyang maling paglalahad upang lituhin ang mga auditor at regulasyon.
Dagdag pa rito, inireklamo rin ang matagal at labis na pagkaantala ni Herbosa sa pagresolba sa mga protesta ng kontrata na nagresulta sa pagkaantala ng paghahatid ng mga bakuna at gamot, na umabot pa sa 245 araw bago maresolba.
Pinuna ng reklamo ang hindi patas na pagtrato ni Herbosa sa mga bidder, na tila pabor sa ilan at parusa sa iba, na labis na nakapipinsala sa patas na kompetisyon at interes ng publiko.
“Ang DOH ay narito upang maglingkod sa taumbayan — hindi upang protektahan ang interes ng iilan lamang,” pahayag ng “Concerned DOH Employees,” na nanawagan ng buong katotohanan na ilantad sa publiko. (LIMUEL TOLENTINO)
