Si Kudo habang nakapiit sa BIWF. (ARSENIO TAN)
Nadakip na ng Bureau of Immigration (BI) ang isa pang miyembro ng kilabot na “Luffy” criminal syndicate matapos ang isang matagumpay na operasyon ng Fugitive Search Unit (FSU) sa isang tirahan sa Taguig noong Agosto 1.
Kinilala ng BI ang suspek na si Kensuke Kudo, 28, isang Japanese national na pinaghahanap sa Tokyo dahil sa pagkakasangkot sa malawakang fraud operation laban sa matatandang biktima. Ayon kay FSU Chief Rendel Ryan Sy, isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng National Police Agency (NPA) ng Japan at ng Philippine National Police – Intelligence Group (PNP-IG).
May nakabinbing warrant of arrest si Kudo mula sa Tokyo Summary Court mula pa noong Enero dahil sa kasong pagnanakaw alinsunod sa Japanese Penal Code. Ginamitan umano nila ng panlilinlang ang kanilang mga biktima sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang mga pulis upang makuha ang ATM cards at personal na impormasyon ng matatanda, na kalauna’y ginamit sa ilegal na pagkuha ng pera sa bangko.
Ayon pa kay Sy, si Kudo ay isa sa mga natitirang aktibong miyembro ng “Luffy” group—isang sindikatong nakabase sa Japan pero matagal ding nag-operate sa Pilipinas, at umano’y nakaipon ng mahigit ¥1 bilyon (o halos ₱400 milyon) mula sa mga gawaing pagnanakaw, panloloko, at cybercrime.
Dagdag pa ng imbestigasyon, paso na ang Japanese passport ni Kudo mula pa noong Oktubre 4, 2024, at hindi rin siya nag-aplay para sa renewal. Dahil dito, siya ay itinuturing na isang overstaying at undesirable alien. Kinumpirma rin ng Embahada ng Japan sa Maynila na si Kudo ay isang fugitive na banta sa pampublikong kaligtasan at seguridad.
Agad siyang dinala sa BI Warden Facility (BIWF) para sa booking at documentation, habang isinasagawa na ang mga proseso para sa kanyang deportation pabalik ng Japan.
Patuloy ang pakikipagtulungan ng mga awtoridad ng Pilipinas at Japan sa pagsugpo sa mga banyagang kriminal na nagtatago sa bansa. (ARSENIO TAN)
