Inilagay ng Land Transportation Office (LTO) sa ilalim ng “alarm status” ang isang Toyota FJ Cruiser matapos mahuli sa paggamit ng hindi awtorisadong rear-mounted light bars, kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa mga pasaway na motorista.
Ayon kay LTO Chief Asec. Vigor Mendoza II, ginamit ng ahensya ang ulat ng publiko kaugnay sa viral video ng sasakyan na may nakakasilaw na ilaw sa likuran. Aniya, makatwiran ang mga reklamo ng netizens dahil ang naturang ilaw ay maaaring makabulag sa mga sumusunod na motorista lalo na sa gabi.
“Hindi natin alam kung ano ang tumatakbo sa utak ng may-ari ng sasakyan na ito na magpakabit ng nakakasilaw na ilaw. Bawal po yan dahil nakaka-kompromiso ito sa road safety,” ani Asec. Mendoza.
Ipinaalam din ni Mendoza na naglabas na sila ng Show Cause Order (SCO) laban sa rehistradong may-ari ng sasakyan at pinasusuko rin ang lisensya ng driver na nagmamaneho nito sa oras ng insidente.
Batay sa paunang imbestigasyon ng LTO-Intelligence and Investigation Division sa pangunguna ni Renante Melitante, nagdulot ng matinding silaw at biglaang preno mula sa ibang motorista ang ilaw ng FJ Cruiser.
Ang nasabing kaso ay sasailalim sa mas malalim na imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng driver, habang parehong pinagsusumite ng paliwanag ang may-ari at driver kung bakit hindi sila dapat kasuhan ng paglabag sa Presidential Decree No. 96, Joint Administrative Order No. 2014-01, at Republic Act No. 4136 partikular na sa reckless driving at pagiging ‘improper person to operate a motor vehicle.’
Pinagdadala rin ng LTO ang may-ari ng sasakyan para sa pisikal na inspeksyon ng unit, pati na rin ang orihinal na Certificate of Registration (CR) at Official Receipt (OR).
Binalaan din sila na ang hindi pagdalo at hindi pagsusumite ng paliwanag ay ituturing na pagtalikod sa kanilang karapatang ipagtanggol ang sarili.
“Failure to appear and submit the written comment/explanation as required shall be construed by this Office as a waiver of your right to be heard,” ayon sa SCO.
Patuloy ang paalala ng LTO sa publiko na sumunod sa tamang kagamitan sa sasakyan upang maiwasan ang aksidente at matiyak ang kaligtasan sa kalsada.
