Isang 38-anyos na British teacher ang nasawi matapos sumailalim sa isang hair transplant procedure na nagkakahalaga ng £1,500 (humigit-kumulang ₱110,000) sa isang kilalang klinika sa bansang Turkey.
Kinilala ang biktima na si Martyn Latchman, isang dating assistant headteacher sa Goldington Academy sa UK at ama ng dalawang anak. Naitala ang kanyang pagkamatay ilang oras matapos siyang dalhin sa ospital mula sa Cinik clinic sa Besiktas, Istanbul—ang parehong klinikang pinagpa-hair transplant din ni football star Rio Ferdinand.
Ayon sa ulat, nagkaroon ng komplikasyon si Latchman bago pa man magsimula ang mismong procedure. Kaagad siyang isinugod sa isang unibersidad na ospital at isinailalim sa intensive care, ngunit binawian din ng buhay kinagabihan.
Naglunsad na ng imbestigasyon para sa posibleng “reckless homicide” ang Turkish authorities, at sinisiyasat na ang mga doktor at staff ng klinika. Kinumpirma rin ng Istanbul Province Health Directorate na inaalam na ang buong pangyayari.
Sa pahayag ng Dr. Cinik clinic, iginiit nilang:
“Lahat ng medical evaluations ay isinagawa—blood tests, X-ray, ECG—at cleared ang pasyente para sa operasyon. Ngunit bigla na lamang siyang nanghina sa preparatory stage pa lang.”

“Hindi pa nagsisimula ang hair transplant nang mangyari ang insidente,” diin pa ng klinika, sabay sabing nakikipagtulungan sila sa mga awtoridad.
Samantala, bumuhos ang tributo at lungkot sa social media mula sa pamilya’t kaibigan ni Latchman. Nag-post ang kapatid nitong si Yashley ng litrato nilang magkasama sa gym at sinabing:
“Rest in peace, my brother. You will forever be my inspiration.”
Dating taga-Bridgend si Latchman pero nanirahan sa Milton Keynes, Buckinghamshire, at kalauna’y lumipat bilang network administrator sa isang pribadong defense contractor. Kilala rin siya sa pagiging aktibo sa charity work, kabilang na ang pagtakbo ng 10K kada araw noong Disyembre 2022 para makalikom ng pondo sa may sakit na bata.
Ang Turkey ay patuloy na top destination ng mga dayuhan para sa murang cosmetic procedures, kabilang na ang hair transplant na mas abot-kaya roon kaysa sa UK, kung saan naglalaro ito sa £3,000–£10,000.
Ayon sa Turkish Healthcare Travel Council, mahigit isang milyong Briton kada taon ang bumibiyahe sa bansa para magpa-opera.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente, habang nakikiramay ang publiko sa pamilya ni Latchman na ngayo’y dumaranas ng matinding pagdadalamhati. (JOPET MORON)
