Good news para sa mga pasyenteng Pilipino! Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi na kailangan ng dagdag na requirements o interview para makabenepisyo sa “Zero Billing” o “No Balance Billing” policy sa 87 DOH-run hospitals sa buong bansa.
Ayon sa DOH, lahat ng Pilipino ay automatic na miyembro ng PhilHealth sa bisa ng Universal Health Care Law, kaya’t walang karagdagang dokumento ang hinihingi ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para magamit ang benepisyong ito.
“Walang anumang interview na kinakailangan dahil ang lahat ng Pilipino ay miyembro ng PhilHealth,” giit ng ahensya nitong Biyernes.
Dagdag pa ng DOH, miyembro man na nagbabayad o hindi, garantisadong makikinabang sa No Balance Billing policy basta’t ma-admit sa basic o ward accommodation ng alinman sa mga ospital na pinapatakbo ng DOH.
Tiniyak din ng DOH na patuloy ang pagbibigay ng pantay-pantay na access sa serbisyong medikal para sa lahat ng Pilipino sa tulong ng PhilHealth.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, walang dapat alalahanin ang publiko—lahat ay puwedeng ma-admit ng libre sa mga ward ng DOH hospitals, anuman ang estado sa buhay. “Simula noong Mayo 18, ipinatupad na ng DOH ang programang ito para masigurong walang pasyenteng maiiwan,” ani Herbosa.
