MAYNILA — Apat na lalaki ang sugatan, kabilang ang isa na naputulan ng kamay, matapos sumabog ang isang freon compressor na kanilang kinukuha mula sa isang sirang refrigerator sa kanto ng Tayuman at Dagupan Streets sa Tondo nitong Linggo ng hapon.
Ayon sa paunang ulat ni firefighter-paramedic Jam Mariano, nangyari ang insidente dakong 3:30 ng hapon habang kinakalakal ng mga biktima ang nasabing compressor. Habang tinatanggal nila ito, bigla na lamang itong sumabog, dahilan upang magtamo ng matinding pinsala ang ilan sa kanila.
Batay sa ulat, isang lalaki ang naputulan ng kamay, isa pa ang nasugatan sa panga at dalawa ang nagtamo ng minor injuries sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital ang mga sugatan para sa agarang gamutan, habang patuloy ang imbestigasyon ng Manila Police District (MPD) upang matukoy ang sanhi ng pagsabog at kung may naganap bang kapabayaan.
Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa publiko na maging maingat sa paghawak ng mga compressor at iba pang high-pressure na kagamitan, lalo na sa mga galing sa sirang appliances, dahil maaari itong magdulot ng matinding pinsala kung hindi maingat na mabubuksan. (ARSENIO TAN)
