Umarangkada ang pagkilala sa mga tunay na bayani ng kalamidad matapos ilunsad ng Office of Civil Defense (OCD) ang engrandeng Rescuelympics at Dangal Bantayog ng Katatagan Awards Ceremony bilang pagtatapos ng National Disaster Resilience Month nitong Agosto 1 sa Seda Hotel, Quezon City.
Sa isang star-studded at makabayan na selebrasyon, pinarangalan ang mga indibidwal at grupo na nagsusulong ng kahandaan at katatagan sa gitna ng sakuna’t trahedya. Tampok sa seremonya ang mga lokal na rescuers, DRRM champions, at kilalang personalidad na patuloy na nagbibigay inspirasyon sa sambayanang Pilipino.
Nagtagisan ng husay ang anim na regional teams sa pamamagitan ng rescue simulation challenges na animo’y eksena sa pelikula. Wagi ang South Sector (Makati, Pasay, Taguig) na tinanghal na Kampeon at Best Run Time Awardee. Humirit naman ang East Sector (Pasig City) bilang 1st Runner-Up at Best in Technical Rescue, habang ang West Sector (Mandaluyong at Maynila) ay 2nd Runner-Up at Adaptability Awardee.
Hindi rin nagpahuli ang Region 3 (Central Luzon) na 3rd Runner-Up at tumanggap ng Unyielding Spirit Award, North Sector bilang 4th Runner-Up at Tenacious Spirit Awardee, at CALABARZON bilang 5th Runner-Up at Energetic Awardee.
Pinarangalan din ang apat na matitikas at huwarang Pilipino sa larangan ng disaster resilience na sina Dir. Teresito C. Bacolcol – Dangal ng Pilipino sa Pagpapaunlad ng Kagaligan at Katatagan; Ret. Vice Admiral Alexander P. Pama – Dangal ng Pilipino sa Pagtataguyod ng Pribado at Pampublikong Katatagan; Senator Loren Legarda – Dangal ng Pilipino sa Pag-agapay sa Ligtas na Sambayanan; at Major Jose Sixto “Dingdong” Dantes III – Dangal ng Pilipino sa Bayanihan at Kaligtasan ng Pamayanan
Sa pananalita ni DND Usec. Pablo M. Lorenzo, kinatawan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa:
“Ipagpatuloy nating kumilos, sama-sama, may layunin at malalim na pananalig sa kakayanan ng bawat isang Pilipino.”
Samantala, ayon kay OCD OIC Asec. Bernardo Rafaelito Alejandro IV, ang seremonya ay pagkilala sa sakripisyo at dedikasyon ng mga DRRM workers:
“Sila ang haligi ng ating bayan sa oras ng sakuna. Inspirasyon sila sa mas matibay na Pilipinas.”
Ang okasyon ay hudyat ng pagtatapos ng National Disaster Resilience Month 2025 na may temang “KUMIKILOS Para sa Kahandaan, Kaligtasan, at Katatagan.”
