Habang hindi pa tiyak ang kahihinatnan ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, unti-unti nang umaarangkada ang oposisyon para sa halalan sa 2028, ayon kay dating Senador Antonio Trillanes IV.
Sa panayam ng “Facts First,” iginiit ni Trillanes na kung hindi magtatagumpay ang impeachment—lalo na kung ito’y pipigilan ng Korte Suprema o mauuwi sa acquittal—ang susunod na laban ay sa eleksyon.
“Kung wala na naman mangyari diyan sa impeachment, ang tanong—paano natin siya mapapanagot? E ‘di sa 2028 na. ‘Yun na lang ang natitirang paraan,” ani Trillanes.
Ayon sa dating senador, si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang pinaka-“matibay at may tapang” sa hanay ng oposisyon para tumapat kay Sara Duterte sa 2028. Mas pinili raw niya si Hontiveros kaysa kina Senator Bam Aquino at dating VP Leni Robredo, na kapwa may “mabuting intensyon” pero kulang umano sa paninindigan pagdating sa pagpapanagot sa mga Duterte.
“2028 na ang importante. Kailangan ang kandidatong may figurative balls na kayang panagutin ang mga Duterte,” matapang na pahayag ni Trillanes.
Ibinunyag pa ni Trillanes na parehong kontra sina Aquino at Robredo sa ideyang isali ang International Criminal Court (ICC) sa pag-usig kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Ayaw nila sa ICC. Sinabi nila sa akin, kung nanalo si Leni noong 2022, hindi nila ibibigay si Digong sa ICC,” ani Trillanes.
Bukod pa rito, kinuwestiyon din ni Trillanes ang personal na relasyon umano ni Robredo kay VP Sara. Aniya, paano raw mapapanagot si Sara kung kaibigan ito ni Leni?
“Pinapasok pa nga sa bahay, hinost pa. So paano natin siya aasahan na mananagot si Sara kung siya ang maging pangulo?” dagdag ni Trillanes.
Dahil dito, binigyang-diin ng dating senador na hindi niya susuportahan, kundi kokontrahin pa nga sina Robredo at Aquino sa 2028. Ayon sa kanya, hindi umano tugma ang kanilang mga layunin pagdating sa pananagutin ang mga responsable sa mga umano’y kasalanan ng nakaraang administrasyon.
Hanggang ngayon, wala pang tugon sina Robredo at Aquino sa mga pahayag ni Trillanes.
Matatandaang kapwa tumakbo sina Trillanes at Hontiveros sa ilalim ng opposition ticket ni Robredo noong 2022. Si Hontiveros lamang ang pinalad na makalusot sa Senate Magic 12. Habang patuloy na pinapalutang ang isyu ng impeachment laban kay VP Sara, tila nakatingin na sa mas malaking laban ang oposisyon—at ito ay sa darating na presidential elections sa 2028.
