ENABLING STRATEGIC ENERGY SHIFT. Pormal nang nakipagkasundo ang CVC Asia sa MPower para ilipat ang kanilang mga negosyo sa Pilipinas — kabilang ang Landers Superstore, The Medical City, at FAST Logistics Group — sa Competitive Retail Electricity Market (CREM) at Retail Aggregation Program (RAP). Sa larawan (L-R): CVC Capital Partners Senior Managing Director Brice Cu, Sustainability Operations Specialist Marc Duque, MPower Head Redel M. Domingo, TMC-Ortigas EVP at CEO Dr. Ruben Kasala, FAST Logistics CEO Manuel Onrejas Jr., Landers CFO Noel Utanes, at MPower Retail Sales Head Eddie John V. Adug.
Pinalakas ng MPower, ang lokal na retail electricity supplier (RES) ng Manila Electric Company (Meralco) na pinamumunuan ni Manuel V. Pangilinan, ang pakikipag-ugnayan nito sa CVC Asia sa pamamagitan ng paglipat ng mga negosyo nito sa Pilipinas sa Competitive Retail Electricity Market (CREM) at Retail Aggregation Program (RAP).
Sa ilalim ng pinalawak na partnership, saklaw ng kasunduan ang renewal ng mga existing accounts ng CVC Asia at pagdaragdag ng mga bagong kliyente. Layunin nitong magbigay ng mas matatag, mapagkakatiwalaan, at kompetitibong suplay ng kuryente sa mga negosyo sa ilalim ng CVC portfolio.
Kabilang sa mga negosyo ng CVC Asia, ang private equity arm ng global private markets leader na CVC, ang Southeast Asia Retail Inc. (Landers Superstore), Professional Services Inc. (The Medical City), at FAST Logistics Group.
Sa pamamagitan ng kasunduan, nakalipat na sa CREM at RAP ang mga sangay ng Landers Superstore, kabilang ang Alabang, Arca South, Arcovia, Balintawak, Nuvali, Fairview, at Otis Manila. Sa pamamagitan ng aggregated energy sourcing, makikinabang ang mga ito sa mas abot-kayang singil sa kuryente, flexible energy options, at long-term sustainability.
Samantala, ang cold chain facility ng FAST Cold Chain Solutions Inc. sa Cavite ay inilipat na rin sa CREM — bahagi ng kanilang layunin na bawasan ang carbon emissions ng kumpanya.
Patuloy namang nakikinabang sa CREM ang The Medical City (TMC) simula pa noong 2014. Muling renewed ang kontrata ng MPower sa TMC upang masigurong tuloy-tuloy ang serbisyo sa flagship hospital nito sa Pasig City, pati na rin ang mga ospital sa Ortigas at South Luzon. Bahagi rin ng kontrata ang renewable energy provision para sa mas mababang emisyon.
Ayon kay Brice Cu, Senior Managing Director at Country Head ng CVC Philippines, ang kolaborasyong ito ay malinaw na halimbawa ng pagbibigay ng tunay na halaga sa mga negosyo sa pamamagitan ng mas mababang gastos at mas sustainable na solusyon sa enerhiya.
“By connecting them to more competitive and sustainable electricity solutions, we’re also helping build more resilient, future-ready businesses,” ani Cu.
Binigyang-diin naman ni Redel M. Domingo, Meralco First Vice President at Head ng MPower, na ang kasunduan ay hindi lang milestone kundi patunay ng progresibong pamumuno ng CVC Asia.
“The RAP revolution empowers electricity consumers with unprecedented freedom to choose,” dagdag pa niya, na binigyang-pugay ang dedikasyon ng CVC Asia sa layuning palawakin ang access sa Customer Choice Programs ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Sa ilalim ng CREM, maaaring pumili ng electricity provider ang mga negosyo na may konsumo ng kuryente na hindi bababa sa 500 kilowatts. Sa RAP, pinapayagan ang mga maliliit na kustomer na magsama-sama upang makamit ang threshold at magkaroon ng kapangyarihang pumili ng sariling supplier.
Nagpapatuloy ang MPower sa pagtaguyod ng kompetitibong presyo at kalidad ng serbisyo, bilang suporta sa mas inklusibong energy market para sa mga Pilipinong negosyo.
