Hindi basta-basta ang tapang ni National Authority for Child Care (NACC) Undersecretary Janella Ejercito Estrada matapos siyang gawaran ng Break All Chains Public Service Champion Award ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa isang makasaysayang seremonya noong Hulyo 30, 2025 sa Metropolitan Theater, Maynila.
Ginawaran si Usec. Estrada dahil sa kanyang walang takot at walang patid na laban kontra Trafficking in Persons (TIP), lalo na ang umuusbong na modus na “online baby selling” gamit ang social media gaya ng Facebook.
Ayon sa IACAT, layon ng parangal na kilalanin ang mga indibidwal at institusyong tunay na nagsusulong ng kampanya kontra human trafficking at modernong anyo ng pang-aalipin. Kabilang sa mga pinarangalan ngayong taon ay mga survivor leaders, LGUs, NGOs, pulis, piskal, at iba pang matitikas na public servants.
Simula pa noong 2022, pinangunahan ni Estrada ang kampanya laban sa pagbebenta ng mga sanggol online — isang malupit at makabagong uri ng human trafficking na target ang mga inosenteng bata.
Hindi lang ito salita — si Estrada mismo ang pumasok sa mga FB groups kung saan isinasagawa ang bentahan ng sanggol, nakipag-ugnayan sa mga grupo, at agad na kumilos. Ipinatupad niya ang community-level monitoring system gamit ang 16 Regional Alternative Child Care Offices (RACCOs) para bantayan at tugisin ang mga salarin.
Sa tala ng PNP Women and Children Protection Center (WCPC), labing-isang bata na ang nailigtas habang 16 katao na ang sinampahan ng kaso – mga kasong hindi puwedeng piyansahan at may katapat na parusang 12 taon hanggang habangbuhay na kulong.
Inilarawan ni Usec. Estrada na ang online baby selling ay isang malupit na krimen na kinabibilangan ng qualified trafficking, child abuse at exploitation.
“Iniaalay ko ang award na ito sa lahat ng batang naging biktima ng trafficking, lalo na ng online baby selling. Hindi tayo hihinto. Lalaban tayo hanggang wakas!” panata ni Usec. Estrada.
Kasabay ng kanyang kampanya, pinangunahan din niya ang malawakang public information drive at advocacy campaign para gisingin ang publiko at hikayating makiisa sa pagsugpo sa human trafficking.
