Usap-usapan ngayon ang unang edisyon ng BizMatch Business Media Forum na ginanap sa 26th Floor ng The Podium West Tower, kung saan tampok ang mainit na diskusyon sa networking at online selling.
Pinangunahan ng kilalang host na si Charlie Mendoza, inilarawan niya ang BizMatch bilang isang business-to-business platform na layuning pagtagpuin ang mga tamang tao sa tamang negosyo — mula sa contractors, talents, service providers, hanggang sa maliliit na negosyante.
Pero hindi lang negosyo ang usapan — pasok din sa adbokasiya ng BizMatch ang charity at corporate social responsibility, bagay na ikinatuwa ng mga dumalong business personalities tulad nina Dr. Jhen Boles ng Tres Chic Luxury at Dr. Marc Lester Malandaya, dating kandidato sa pagka-gobernador sa Misamis Occidental.
Si Dr. Jhen, na ginawaran ng Hero Award, ay kilala sa mundo ng live online selling ng bags, alahas, at damit — 50% off para raw abot-kaya ng masa.
“Sa panahon ng pandemya kami sumikat. May money-back guarantee kami, kahit 10 taon pa ang lumipas basta may pruweba kang sa amin mo nabili,” paniniguro niya.
Nagbabala rin siya sa dami ng scammers at clickbait ngayon sa online selling, kaya’t pinuri niya ang bagong “blue check verification” ng Meta para sa mga lehitimong negosyante.
Para kay Dr. Jhen, ang Hermès Birkin bag ay status symbol ng may kaya at “deserve mo lang ‘yan kung mabuti kang tao.”
“Good shoes take you to good places. But your bag? It defines who you are!”
Samantala, si Dr. Marc Lester ay todo suporta sa network marketing o kilala rin bilang “network selling.”
“Recruit ka lang, kikita ka na. Basta marunong ka sa sistema, kikita ka ng patas,” sabi niya.
Aminado rin siya na may stigma ang networking, pero dapat raw ay may orientation, training at tuloy-tuloy na pag-aaral sa bawat sumasali.
Nang tanungin kung ano ang gusto niya sa gobyerno, sagot ni Dr. Lester: “Bawasan ang presyo ng bilihin at higpitan ang pagpapatupad ng batas!”
Ibinahagi naman ng health business advocate at negosyante na si Hilda Canlapan ang kanyang karanasan na nasampahan ng ₱50,000 na multa sa BIR dahil sa kakulangan ng Certificate of Registration (COR) kahit may business permit na.
“Lesson learned. Dapat simple lang ang sistema para hindi mahirapan ang mga gustong magnegosyo.”
May negosyo si Canlapan sa Fisher Mall Malabon, at ayon sa kanya, mas mabilis ang proseso doon kumpara sa ibang LGUs gaya ng QC. Gusto rin niyang mawala ang mga fixer sa proseso ng pagkuha ng permit.
Binilinan ni Mendoza at ng mga speaker ang publiko na mag-aral muna bago pumasok sa negosyo, at huwag ilagay ang lahat ng ipon sa isang negosyo lang.
“Ignorance of the law excuses no one,” paalala ni Mendoza.
