Pinangunahan nina Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. at Sablayan Mayor Walter Marquez, ang ribbon-cutting ceremony ng Blue and Red Ribbon Project.
Inilunsad kahapon ng Bureau of Corrections (BuCor) ang Blue and Red Ribbon Project, isang makabagong inisyatiba para palawakin ang kamalayan hinggil sa reintegrasyon ng mga persons deprived of liberty (PDLs) na pinalaya na, sa layuning mabawasan ang stigma, itaguyod ang pag-unawa, at palakasin ang after-care support para sa kanilang pagbabalik sa lipunan.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., ang proyekto ay hango sa kilusang Yellow Ribbon ng Singapore at sumasalamin sa paniniwala na ang bawat tao ay karapat-dapat sa pangalawang pagkakataon.
“Ang layunin nito ay magbigay pag-asa, pagtanggap, at suporta upang muling makapagsimula ng maayos ang mga dating bilanggo,” ani Catapang.
Bilang bahagi ng programa, magtatayo ang BuCor ng mga halfway houses sa lahat ng kulungan at penal farms sa buong bansa. Ang mga pasilidad na ito ay magsisilbing transisyonal na tahanan para sa mga PDL habang inaasikaso ang kanilang pinal na pagpapalaya at paglipat pabalik sa kanilang mga komunidad.
Ipinaliwanag naman ni Corrections Technical Superintendent Noel Marquez na ang proyekto ay hindi lamang isang programa kundi isang malawakang kilusan para burahin ang negatibong pananaw sa mga ex-PDLs at hikayatin ang buong komunidad na makiisa sa kanilang pagbabagong-buhay.
“Sa pamamagitan ng pagkonekta sa kanila sa oportunidad sa trabaho, edukasyon, at emosyonal na paggaling, layunin naming tuluyang buwagin ang stigma na kanilang kinakaharap,” dagdag ni Marquez.
Ang Blue and Red Ribbon Project ay isang malaking hakbang tungo sa community-based rehabilitation, na isinusulong ang pagkakaunawaan, pakikipagtulungan, at pagiging bukas ng lipunan sa pagbabalik ng mga dating bilanggo.
Samantala, iniulat din ni Catapang na 736 PDLs ang pinalaya ng BuCor mula Hulyo 4 hanggang Hulyo 30, na nagdadala ng kabuuang bilang ng mga pinalayang PDL sa ilalim ng administrasyong Marcos sa 25,304.
Ayon sa BuCor, ang mga dahilan ng pagpapalaya ay ang mga sumusunod:
- Expiration ng maximum sentence – 554
- Acquittal – 56
- Probation – 14
- Habeas corpus – 7
- Parole – 100
- Turnover dahil sa pending cases – 5
Ang mga pinalayang PDL ay mula sa iba’t ibang piitan:
- Correctional Institution for Women (CIW) – 37
- CIW-Mindanao – 6
- Davao Prison and Penal Farm – 118
- Iwahig Prison and Penal Farm – 77
- Leyte Regional Prison – 54
- New Bilibid Prison (NBP) – 63
- NBP-Maximum – 85
- NBP-Medium – 87
- NBP-Minimum – 36
- NBP-Reception and Diagnostic Center – 10
- Sablayan Prison and Penal Farm – 71
- San Ramon Prison and Penal Farm – 92
Sa pamamagitan ng mga hakbangin tulad ng Blue and Red Ribbon Project, layunin ng BuCor na bigyang direksyon ang mga pinalayang PDL upang sila’y maging produktibong mamamayan at ganap na makabalik sa normal na buhay.
