LOS ANGELES, USA – Hindi nagpapahinga si Kevin Quiambao!
Habang break pa ang Korean Basketball League, abala ngayon ang 2-time UAAP MVP sa paghasa ng kanyang laro sa Amerika. Nitong linggo, ibinahagi niya sa social media ang kanyang pagsabak sa Drew League, isa sa pinakasikat na summer basketball tournaments sa US.
“#notperfect,” simpleng caption ni Quiambao sa kanyang Instagram post kung saan kasama niya sa larawan ang NBA veteran na si Thaddeus Young.
Hindi basta-basta ang Drew League!
Dito rin naglaro ang ilang mga NBA superstars tulad nina LeBron James, Kevin Durant, James Harden, Paul George, DeMar DeRozan, at maging ang yumaong Kobe Bryant.
Sumali rin noon sina Paul Pierce, Byron Scott, at Baron Davis, kaya’t malaking karangalan para kay Quiambao na makasali sa prestihiyosong liga na ito.
Dahil hindi nakapasok sa NBA Summer League ngayong taon, ginamit ni Quiambao ang kanyang pamamalagi sa Amerika para mag-ensayo, sumali sa mga training camp, at makipaglaro sa mga kilalang basketbolista at NBA hopefuls.
Bagamat under contract pa rin siya sa Goyang Sono Skygunners ng Korean Basketball League, tiniyak ni Quiambao na babalik siya sa national team para sa nalalapit na FIBA Asia Cup sa Jeddah, Saudi Arabia.
“Tuloy lang ang ensayo. Para sa pangarap at para sa bayan,” ani Quiambao. RON TOLENTINO
