Idineklara ng Malacañang ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas at trabaho sa gobyerno sa Martes, Hulyo 22, 2025, sa Metro Manila at iba pang mga probinsya, dahil sa walang humpay na pag-ulan dulot ng habagat o southwest monsoon.
Sakop ng suspensyon ang mga sumusunod na lugar:
- Metro Manila
- Zambales
- Bataan
- Pampanga
- Bulacan
- Cavite
- Batangas
- Rizal
- Pangasinan
- Tarlac
- Occidental Mindoro
Kinumpirma ni Presidential Communications Office Secretary Dave Gomez na inaprubahan ng Palasyo ang suspensyon base sa rekomendasyon ng Office of the Civil Defense (OCD).
Nauna nang inanunsyo sa social media ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang naturang suspensyon.
Ayon kay Gomez, personal nang inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Remulla na ianunsyo ang kanselasyon ng pasok.
Sa ngayon, hindi pa inilalabas ng Malacañang ang opisyal na kopya ng kautusan, pero epektibo na ang anunsyo.
Tradisyonal na ang mga mayor at gobernador ang nagpapasya sa kanselasyon ng klase sa kani-kanilang lugar. Pero kung malawakan o rehiyunal ang suspensyon, ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang nagbibigay ng rekomendasyon sa Palasyo.
Pinaalalahanan ng pamahalaan ang publiko na maging alerto at i-monitor ang lagay ng panahon, lalo na at posibleng tumagal pa ang ulan sa mga susunod na araw.
