MANILA – Unti-unti nang naibabalik ng Meralco ang kuryente sa mga lugar na binayo ng Habagat pero aminado ang kompanya—safety first muna bago sindihan ulit ang mga poste.
Mula sa mahigit 167,000 customers na nawalan ng ilaw kaninang umaga, bumaba na ito sa 90,000 pagsapit ng hapon. Karamihan sa mga hindi pa rin nakakabitan ng kuryente ay mula sa Metro Manila, Cavite, at Bulacan, habang may ilan din sa Rizal, Quezon, Laguna, at Batangas.
Ayon kay Meralco VP Joe Zaldarriaga, mahirap agad ibalik ang serbisyo kung may baha. “Delikado po. Hindi pwedeng basta isalpak ang kuryente habang lubog pa sa tubig ang mga lugar. Pero wag kayong mag-alala—tuloy-tuloy po ang trabaho ng aming mga linemen 24/7.”
Kaya naman pakiusap ng Meralco: “Pasensya na po. Unahin natin ang kaligtasan.”
Paalala ng Meralco, patayin ang main switch kung binaha ang bahay, tanggalin sa saksak ang mga appliances at ipa-check muna sa electrician ang mga gamit bago isaksak ulit.
Bukas ang Meralco Hotline 16211, pati social media pages at text hotlines 0920-9716211/ 0917-5516211.
