Isang motorista ang dumaan sa gilid ng Marikina River na umapaw dahil sa walang tigil na ulan nitong Martes, Hulyo 22, 2025. (Kuha ni ART TORRES)
MARIKINA CITY – Hindi na pinatagal pa ni Mayor Maan Teodoro ang pasasalamat matapos bumilis ang paghupa ng baha sa Marikina River.
Ayon sa alkalde, malaking tulong ang dredging operations at slope protection projects na patuloy ginagawa sa ilog.
Kagabi, umabot sa third alarm ang tubig sa Marikina River—umabot ito sa 18 meters kaya agad nagpatupad ng forced evacuation sa mga mabababang lugar. Mahigit 23,000 residente ang kinailangang ilikas at dinala sa 36 evacuation centers.
Pero nitong Martes ng umaga, bumalik na sa first alarm level ang tubig sa Marikina River—15.9 meters na lang, ayon sa ulat ng Marikina City Public Information Office.
Sabi ni Mayor Teodoro, hindi tsamba ang bilis ng pagbaba ng tubig—bunga ito ng dredging at pagsasaayos ng slope ng ilog para iwas sa mabilisang pag-apaw.
“Kapag tuloy-tuloy ang dredging, mas mabilis ang agos at hindi basta nagtatagal ang baha,” ayon kay Teodoro.
Habang bumababa ang tubig, nagsimula nang magsiuwian ang ilang evacuees. Pero patuloy pa rin ang pamimigay ng relief goods. Kasama ni Mayor Maan si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa pamamahagi ng ayuda para sa mga binaha.
Ayon kay Teodoro, mahalaga ang mabilis na koordinasyon ng LGU at national government kaya naging mabilis din ang pag-responde sa mga naapektuhan ng baha.
