Ang paglaganap ng online gambling sa bansa — na siyang sumira sa maraming pamilya, kumain ng ipon, at nagbaon sa utang ng maraming estudyante — ay pinalala pa ng pagsulpot ng iba’t ibang online lending apps (OLAs), ayon kay Senador Win Gatchalian.
“Nalulong na sa online gambling, pinagsamantalahan pa ng online lending apps. Kailan kaya titigil ang sistemang lumulunod sa mahihirap nating kababayan?” tanong ni Gatchalian.
Ayon sa senador, ang mabigat at kadalasang mapang-abusong mga kondisyon ng pautang ng ilang OLA ang lalo pang nagpapahirap sa mga Pilipinong nalululong sa online gambling, na nagbabaon sa kanila sa walang katapusang pangungutang para magsugal at pagsusugal para lang makabayad ng utang.
“Maraming post sa social media ang nagpapatotoo na ginagamit ng maraming indibidwal ang OLA bilang huling paraan para makahanap ng pera upang pondohan ang kanilang pagkalulong sa online gambling,” dagdag ni Gatchalian, na kamakailan lang ay naghain ng resolusyon hinggil sa pagdami ng OLA sa bansa at ang mapang-abusong paraan ng paniningil nila ng utang.
Sinabi rin ng senador na ang hindi makatarungan at mapanirang pamamaraan ng paniningil ng mga OLA ay lalo pang nagpapabigat sa emosyonal at mental na pasanin ng mga Pilipinong nahihirapan na sa kumunoy ng online gambling.
