Naghain ng resolusyon si Senator Lito Lapid para kilalanin ang kampeonato ng Filipina tennis star na si Alex Eala sa Mubadala Abu Dhabi Open sa United Arab Emirates.
Ang Senate Resolution No. 555 ay naglalayong magpugay sa tagumpay ni Eala matapos niyang talunin si Jessica Pegula sa final round ng nasabing torneo.
Ayon kay Lapid, chairman ng Senate committee on Games and Amusements, taos-puso niyang pinupuri at binabati si Alex Eala sa kanyang makasaysayang pagkakapanalo sa Mubadala Abu Dhabi Open Championship.
“Ipinamalas niya ang hindi matatawarang katatagan, kagitingan, at husay sa larangan ng tennis na muling nagbigay ng malaking karangalan sa ating bansa,” ani pa ni Lapid.
Bago mag-kampeon sa Mubadala Abu Dhabi Open, pinadapa na ni Alex sina Olympic champ Zheng Qinwen ng China, Reigning champ Leylah Fernandez ng Canada, WTA Tour Finals champ, world No. 10 Elina Svitolina, at 4-time Grand Slam champ, world No. 13 Naomi Osaka ng Japan.
