Isinusulong ni Senator Win Gatchalian ang pagpapahintulot sa paggamit ng Special Education Fund (SEF) upang makakuha ng mga security personnel at masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante kasunod ng lumalalang insidente ng karahasan sa mga paaralan.
Sa ilalim ng iminumungkahing 21st Century School Boards Act (Senate Bill No. 53), layunin ni Gatchalian na palawakin ang sakop ng SEF—na karaniwang nakalaan lamang sa pagpapatayo ng mga silid-aralan at pasilidad—upang maipatupad ang mga hakbang sa seguridad tulad ng pagpapakalat ng mga trained security guard.
Pinatitibay din ng nasabing panukala ang papel ng mga lokal na pamahalaan (LGU) sa pagtugon sa mga agarang pangangailangan sa sektor ng edukasyon.
Binigyang-diin ni Gatchalian na ang kanyang panukala ay kasunod ng mga kamakailang insidente ng karahasan sa mga paaralan, tulad ng pinakabagong kaso kung saan nasawi ang isang 13-taong-gulang na mag-aaral sa Las Piñas National High School matapos saksakin ng kanyang 14-taong-gulang na kaklase.
“Hindi na sapat ang pader at silid-aralan kung walang katiyakan ang kaligtasan ng ating mga estudyante. Kung may pondo para sa edukasyon, dapat paglaanan din natin ng pondo ang pagpapanatili ng seguridad sa mga paaralan dahil walang matututunan ang batang takot sa loob ng kanyang silid-aralan,” ayon kay Gatchalian.
Ang iminumungkahing pag-amenda sa Local Government Code (Republic Act No. 7160) upang mapalawak ang paggamit ng SEF ay kabilang sa mga priority agenda ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
