Tingnan ang kasalukuyang ari-arian ng Government Service Insurance System (GSIS) malapit sa Burnham Park (kaliwa) at ang conceptual design ng panukalang Baguio Tree Park (kanan). Sa ilalim ng kolaborasyon ng GSIS at Baguio City Government, balak gawing public green space ang humigit-kumulang 16,000 metro kuwadrado ng nasabing lupain. Tampok sa disenyo ang elevated walkways, landscaped open spaces, at isang open-air amphitheater para sa mga aktibidad ng komunidad at rekreasyon—habang tiyak na pinoprotektahan at pinapanatili ang mga umiiral na pine tree sa lugar.
Bilang suporta sa layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa kalikasan at climate-resilient development, isinusulong ng Government Service Insurance System (GSIS) ang planong pagtatayo ng Baguio Tree Park sa 3.36-hektaryang ari-arian nito malapit sa Burnham Park.
Layunin ng proyekto na panatilihin ang mga pine tree sa Baguio habang ginagawang pampublikong green space ang lugar para sa wellness, rekreasyon, at pangkabuhayan.
Ang nasabing ari-arian sa Government Center-Military Cut-Off Road ay dating inilipat ng Baguio City Government sa klasipikasyong Park and Gardens, na naglimita sa paggamit nito at nagtulak sa GSIS na maghain ng legal na hakbang.
Matapos ang negosasyon sa pagitan ng GSIS at ng pamahalaang lungsod sa ilalim ni Mayor Benjamin Magalong, muling inuri ang lupa bilang Government-Recreational-Commercial 2A.
Nangako ang GSIS na poprotektahan ang mga umiiral na pine tree at ipagbabawal ang pagputol ng mga ito, dahilan upang i-archive na ang dating kaso.
Iminungkahi ni Mayor Magalong na gawing Tree Park ang humigit-kumulang 16,000 metro kuwadrado ng ari-arian, kung saan magkakaroon ng elevated walkways, landscaped open spaces, at isang open-air amphitheater. Nagbigay na rin ang lungsod ng conceptual plans at technical designs para dito.
Binigyang-diin ni GSIS President at General Manager Wick Veloso na pinatutunayan ng proyekto na pwedeng pagsabayin ang pangangalaga sa kalikasan at maayos na pamamahala sa ari-arian ng gobyerno.
“Ipinakikita ng panukalang Baguio Tree Park ang komitment ng GSIS sa sustainable development, responsableng pangangalaga sa mga ari-arian ng publiko, at pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan. Sa pagprotekta sa kalikasan habang nagbibigay ng pampublikong pasilidad at pangkabuhayan, gumagawa tayo ng pangmatagalang halaga para sa ating mga miyembro, pensyonado, at komunidad,” pahayag ni Veloso.
Inaasahang makatutulong din ang proyekto sa pagpigil sa illegal occupancy, pagdaragdag ng pampublikong pasyalan, at paglikha ng income sa pamamagitan ng micro-retail components nang hindi nasisira ang kalikasan sa lugar.
