Inilunsad ng interfaith at civic group na Kingdom Keepers ang “Sulo ng Pananagutan” kasabay ng isang theological forum at news briefing na ginanap sa Obispado de Cubao, Lungsod Quezon, ngayong Martes, Agosto 4.
Pinangunahan nina Fr. Danny Pilario, CM, Fr. Jose “Paring Bert” Alejo, SJ, Dr. Melba Maggay, at Fr. Robert Reyes ang naturang aktibidad upang bigyang-diin ang tungkulin ng mga Kristiyano na ipagtanggol ang buhay, katotohanan, at pananagutan sa gitna ng lumalalang disinformation at mga banta sa demokrasya.
Sa gitna ng forum, sama-samang ipinagdasal ng grupo sina Fr. Reyes, Dr. Maggay, at Dr. Enrique Ancheta kasunod ng mga natatanggap nilang banta sa buhay.
Si Dr. Ancheta ay dating chief ng Philippine National Police (PNP) Crime Lab na diumano’y tinanggal sa pwesto matapos tumangging palitan ang mga ebidensya sa drug war sa ilalim ng nakaraang administrasyon.
