Matapos mailatag kung paano na-encash ang Kabuuang P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa loob lamang ng anim na buwan, nakatutok naman ngayon ang prosecution panel sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte sa panibagong katanungan: Saan nga ba napunta ang pondo at ginamit ba ito sa tamang paraan?
Isinailalim sa matinding pagtatanong ni veteran lawyer Lorna Kapunan, private counsel ng House prosecution panel, si Commission on Audit (COA) state auditor Roderick Wamil hinggil sa mga kakulangang natukoy ng komisyon sa paggastos ng confidential funds ng OVP sa huling quarter ng 2022 at unang quarter ng 2023.
Ibinunyag ng prosecution na batay sa mismong mga dokumentong isinumite ng OVP sa COA, ang P125 milyong confidential funds para sa huling quarter ng 2022 ay naubos sa loob lamang ng 11 araw.
Ipinagpagititan ng prosecution legal spokesperson na si Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. at Kabataan Representative Renee Co na malaking katanungan ang “physical impossibility” o kawalan ng lohika kung paano nagastos nang maayos ang napakalaking halaga sa napakaikling panahon alinsunod sa Joint Circular No. 2015-01.
Inamin din ni Wamil, na nagsilbi sa COA Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) mula 2014 hanggang 2024, na sa termino lamang ni VP Duterte nagkaroon ng audit sa confidential funds ng OVP at DepEd dahil ang mga nakaraang Bise Presidente at DepEd Secretaries ay walang inilaan o ginamit na naturang pondo.
Naging maiinit din ang talakayan sa plenaryo nang isa-isang isaad at ipasuri ni Kapunan kay Wamil ang mga acknowledgment receipts (ARs) na may halagang P70,000 hanggang P295,000 na diumano’y tinanggap ng ilang indibidwal.
Kabilang sa mga pangalang lumabas sa dokumento ay sina:
- Mary Grace Piattos
- Renan Piattos
- Nova Santos
- Mico Harina
- Janice Marie Revilla
- Patty Ting
- Andy Lim
- Alejandro Pikit
- Feonna Biong
- Sisfrunio Balsac
- Gabriel Bisaya
Pinaalalahanan pa ni Presiding Officer at Senate President Francis Escudero si Kapunan matapos magprotesta ang abogado ni Duterte na si Atty. Michael Poa dahil sa pagbibigay umano ng kulay at pagbibiro ni Kapunan sa mga pangalang tulad nina “Andy Lim” at “Alejandro Pikit.”
Lumalabas din sa pagsusuri na karamihan sa mga resibong ito ay pinalabas na inisyu noong Nobyembre at Disyembre 2023 — isang buong taon matapos ang sinasabing paggastos, at ang iba ay inisyu bago pa man opisyal na mailabas ang pondo.
Binigyang-diin ni Wamil na sa ilalim ng rules ng COA, kailangang magsumite ang ahensya ng “physical and financial plan” na naglalaman ng mga partikular na proyekto at target para sa confidential funds. Hapon noong Lunes, kinumpirma ng auditor na walang ibinigay na espesipikong detalye ang OVP sa kanilang isinumiteng plano para sa unang quarter ng 2023.
Ayon kay Rep. Zia Alonto Adiong, ang mga natuklasang ito ay nagpapakita ng malinaw na padaskol at hindi maipaliwanag na paggastos sa kaban ng bayan.
“Ibig sabihin, kung titingnan natin ‘yung pag-encash nito na unusual, na madaliang na-encash, madalian talaga ‘yung paggastos nito. Dahil madalian, hindi tugma-tugma ‘yung dates at hindi tama ‘yung kanilang binigay na documentary evidence to prove that the confidential funds [were] used [properly],” pahayag ni Adiong.
Inaasahang ipagpapatuloy ng prosecution ang pagharap ng mga ebidensya para sa ikalawa at ikatlong quarter ng 2023 ngayong Martes, Agosto 4, kung saan isa pang opisyal ng COA na si Celine May del Campo ang nakatakdang sumalang bilang susunod na testigo.
