Arestado ang isang 33-anyos na factory worker matapos ireklamo ng pangmomolestiya sa kanyang 15-anyos na stepdaughter sa Barangay Sun Valley, Parañaque City, madaling-araw nitong Linggo, Agosto 2.
Inaresto ng mga tauhan ng Parañaque City Police Station, sa ilalim ng pamumuno ni PCol. Nicolas S. Piñon, ang suspek na kinilala lamang sa alyas na “Arvin,” residente ng nasabing barangay. Lumalabas sa imbestigasyon na kinakasama siya ng ina ng biktima.
Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente humigit-kumulang 1:00 ng madaling-araw habang natutulog ang 15-anyos na biktima. Nagising na lamang ang dalagita nang simulan siyang hipuin at abusuhin ng suspek.
Mabilis na itinulak ng biktima ang suspek, tumakbo palabas ng bahay, at humingi ng tulong sa isang kamag-anak sa kalapit na convenience store bago tumawag sa emergency hotline 911.
Agad namang nagresponde ang mga tauhan ng Sun Valley Police Sub-Station kasama ang mga barangay enforcer. Sa pagbalik nila sa tahanan, positibong itinuro ng biktima ang suspek na nagresulta sa mabilis nitong pagkakaaresto.
Ipinabatid sa suspek ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine at isinalang sa mandatory physical at medical examination. Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Parañaque City Police Station para sa paghahain ng kasong paglabag sa Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act) o Acts of Lasciviousness.
Pinuri naman ni Southern Police District (SPD) Director PBGen. Glenn Oliver C. Cinco ang mabilis na aksyon ng mga nagrespondeng pulis at barangay officials.
Ipinagdiinan ng hepe na walang tolerated na anumang anyo ng pang-aabuso sa kabataan ang SPD at tinitiyak nitong haharapin ng suspek ang buong kaparusahan sa ilalim ng batas.
