CITY OF SAN FERNANDO, Pampanga — Kung sawa ka na sa mga typical na coffee shop, may bagong tambayan sa Barangay Baliti na siguradong magpapasaya sa’yo—ang Boris Café, ang kauna-unahang coffee shop sa Pampanga na may mini golf course.
Itinatag nina Iñigo Santos at Joy Bautista, ang Boris Café ay pinagsamang hilig sa kape at golf. “Bakit hindi pagsabayin ang comfort ng café at ang saya ng golf?” ani ng dalawang co-founder.
Sa halagang P100 kada 30 minutes, pwedeng mag-relax sa café habang sinusubok ang iyong putting skills sa kanilang 8-hole mini golf course—isang kakaibang karanasan na hindi basta pa-ekstra lang, kundi bahagi talaga ng café experience.
Ayon kay Iñigo, nagsimula ang ideya noong kasagsagan ng pandemya kung saan nakahanap siya ng stress relief sa pagpunta sa driving range. Dahil dito, nabuo ang konsepto ng pagsasama ng golf at café business.
Boris, ang pangalan ng café, ay mula sa paboritong pusa ng lola ni Iñigo—isang malambing na pusang naging malapit kay Joy. Ang pangalan ay simbolo ng personal at warm na energy na nais nilang iparating sa bawat customer.
Bukod sa mini golf, binibida rin ng Boris Café ang kanilang specialty coffee at coolers. Kabilang sa bestsellers ang Boris Signature Latte, inspirasyon mula sa cheese bread ng LA Bakeshop—na bahagi ng legacy ng pamilya ni Iñigo bilang ikatlong henerasyon sa likod ng sikat na bakery ng Pampanga.
Pwede rin mag-enjoy ng LA Bakeshop pastries habang nagkakape at naglalaro.
“Ang goal namin ay makabuo ng community. Hindi lang ito basta café o golf course, kundi lugar kung saan puwedeng bumalik-balik ang mga tao para sa koneksyon,” ayon kay Joy, na siyang humahawak sa sales at finance habang si Iñigo ang nag-aasikaso ng araw-araw na operasyon.
Kaya kung naghahanap ka ng bagong tambayan—para sa kape, pastries, o simpleng pampalipas oras sa mini golf—ang Boris Café ang bagong chill spot sa Pampanga.
Sip. Swing. Savor.
