PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
TAPOS na. Wala na ang LED sa Pearl Hall. Tahimik na ulit ang SEAMEO Innotech. Umuwi na ang mga guro. Subalit may naiwan. Hindi certificate. Hindi loot bag. Naiwan iyong mga luha na hindi naitago.
Noong 25 Setyembre 2026 Biyernes sa Buwan ng Guro ng INNOTECH sa Pilipinas ay sa kauna-unahang pagkakataon ay hindi pinag-usapan kung paano maging mas magaling na guro. Pinag-usapan kung paano maging buo ulit bilang tao.
Sa temang “Pag-aalaga sa Kapakanan ng Guro, Inspirasyon ng Mas Magandang Pagkatuto” (Nurturing Teacher Well Being, Inspiring Better Learning) at sa programang SEA-Well: Suporta sa Holistic na Kapakanan ng mga Guro (Supporting Teachers’ Holistic Well-Being), isang katotohanan ang sumampal sa lahat: Matagal na nating nakalimutan ang guro dahil sa kakaalaga niya sa iba.
Nagsimula ang programa sa mga mensahe ng pasasalamat subalit nauwi sa pag-amin. Umiyak sina Ma’am at Sir. Hindi dahil sa pagod sa lesson plan. Umiyak sila dahil sa wakas, may nagsabi sa kaniya na: “Okay lang mapagod. Okay lang hindi maging okay.” At nang tumayo si Dr. Milabel Enriquez-Ho sa entablado at binitawan ang mga salitang “Guro, Ikaw Naman! Pag-aalaga sa Kapakanan ng Guro, Paghikayat sa Mas Magandang Pagkatuto,” – natahimik ang buong bulwagan.
Hindi dahil sa galing ng slides. Kundi dahil sa wakas ay may tumingin sa guro hindi bilang tagapagturo, kundi bilang taong nangangailangan ding turuan kung paano alagaan ang sarili.
Doon ay naunawaan natin: Ang SEA-Well ay hindi programa lang. Paalala ito na ang pag-aalaga sa guro ay hindi luho: Responsibilidad ito ng paaralan, ng institusyon, ng buong sistema. Dahil hindi ka makabubuo ng mag-aaral na masaya kung ang guro niya ay wasak. Hindi makalilikha ng mas magandang pagkatuto kung ang nagtuturo ay hindi na natutong matulog nang maayos. Kung kaya’t ang naganap na gawain ay hindi lang ipinagdiwang ang mga guro. Binalik natin sila sa sarili nila.
Sa lahat ng gurong pumunta, umiyak, tumawa, at nananalangin sa Pearl Hall – nawa’y sa pagpasok sa classroom, mas magaan na.
Hindi dahil gumaan ang trabaho. Kundi dahil sa wakas ay naalala mong: Ikaw naman. Guro, ikaw naman.
