Pinarangalan ng Atin Ito Coalition nitong Lunes ang ilang mga pinuno ng lokal na pamahalaan (LGU) na patuloy na sumusuporta sa mga mangingisdang Pilipino at mga frontliners sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon sa pahayag ng Atin Ito, isinagawa ang naturang pagpaparangal sa isang forum sa Quezon City na inorganisa kasama ang Center for Information Resilience and Integrity Studies (CIRIS), bilang bahagi ng pagdiriwang ng Maritime and Archipelagic Nation Awareness Month (MANA Mo).
Bitbit ng forum ang temang, “West Philippine Sea: Mana Natin: The State and Legacy of Filipino Fishers and Those Who Stand With Them.”
Kabilang sa mga pinarangalan at binigyang-kilala ay sina Quezon City Mayor Joy Belmonte; Quezon City 1st District Councilor Joseph Juico; Quezon City 2nd District Councilor Ally Medalla; Pasig City Councilor Paul Senogat; Bulacan Provincial Board Member Arthur Legazpi; San Jose del Monte, Bulacan Councilor Rosalyn Pordan; Zamboanga City Councilor Kim Villaflores at mga kinatawan mula sa mga lokal na pamahalaan ng Navotas at Cebu.
Bukod sa kanila, kinilala rin ang mga lokal na opisyal mula sa mga LGU na nagpasa ng resolusyon para ideklara ang Hulyo 12 bilang West Philippine Sea Victory Day.
Binigyang-diin ni Atin Ito co-convenor at Akbayan President Rafaela David ang kahalagahan ng suporta ng mga lokal na pamahalaan sa ipinaglalabang karapatan sa karagatan.
“Mahalaga ang paninindigan ng ating mga LGU dahil ipinapakita nitong hindi lamang national government ang kumikilala at nagtatanggol sa ating karagatan.
Kasama rito ang mga komunidad at lokal na pamahalaan na direktang nakatindig kasama ng ating mga mangingisda,” pahayag ni David.
