FOR A SMARTER AND GREENER NETWORK: Lumagda ang PLDT Inc. at Smart Communications, Inc. sa landmark deal kasama ang MPower para ilipat ang kanilang cell sites at pasilidad sa ilalim ng Retail Aggregation Program (RAP)—isang hakbang para sa mas episyente, mas mura, at mas malinis na enerhiya. Sa larawan (L-R): Independent Electricity Market Operator of the Philippines President at CEO Richard Nethercott, Smart COO Anastacio R. Martirez, PLDT COO Menardo G. Jimenez, Meralco First VP at MPower Head Redel M. Domingo, MPower Retail Sales Head Eddie John V. Adug, at outgoing ERC Chairperson at CEO Monalisa Dimalanta.
Nagsanib-puwersa ang PLDT Inc. at wireless unit nitong Smart Communications, Inc. kasama ang MPower, retail electricity supplier ng Meralco, upang ilipat sa mas episyenteng sistema ng kuryente ang 144 cell sites at 9 na pasilidad sa ilalim ng Retail Aggregation Program (RAP) ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Ayon kay Manuel V. Pangilinan, Chairman at CEO ng PLDT, Smart, at Meralco, mahalaga ang kolaborasyong ito dahil magkasabay ang pag-unlad ng bansa sa matatag na coonectivity at maaasahang suplay ng kuryente.
“Hindi uubra ang isa kung wala ang isa—kuryente at koneksyon, sabay iyan. Kaya mahalagang pagsamahin ang lakas ng PLDT, Smart at MPower para masigurong may access sa oportunidad ang lahat, lalo na ang nasa laylayan,” pahayag ni Pangilinan.
Sa ilalim ng RAP, pinagsasama-sama ng mga kumpanyang may maraming account sa iisang franchise area ang kanilang konsumo upang makabili ng kuryente nang maramihan mula sa mga lisensyadong retail electricity suppliers. Dahil dito, nababawasan ang gastos sa kuryente at mas nagkakaroon ng kontrol sa energy use.
Sakop ng kasunduan ng PLDT at Smart sa MPower ang higit 2,500 kilowatts na konsumo mula sa integrated network ng grupo. Target rin nilang palawakin pa ito sa mas maraming pasilidad sa Visayas at Mindanao bago matapos ang taon.
Ayon kay Menardo “Butch” Jimenez, Jr., Chief Operating Officer ng PLDT, layon ng hakbang na ito na maging “smarter and greener” ang kanilang network habang binabantayan ang gastos at epekto sa kalikasan.
Para naman kay Anastacio “Boy” Martirez, Chief Operating Officer ng Smart, susuporta ang RAP sa pagpapalawak ng 5G network at pagpapatibay ng serbisyong maaasahan ng publiko.
Bukod sa RAP, tuloy-tuloy rin ang paglipat ng PLDT at Smart sa renewable energy. Nitong 2024, 30 sa kanilang sites ang lumipat na sa 100% renewables—24 sa Metro Manila at 6 sa Mindanao. Noong 2023, nagsimula rin silang gumamit ng geothermal energy sa 5 network facilities sa Visayas.
Inihayag naman ni MPower First Vice President Redel M. Domingo ang kanilang suporta sa inisyatibo. “Ang aming solusyon sa enerhiya ay nakatutok sa mas episyenteng operasyon ng mga kumpanya habang tinutulungan ang bansa sa energy transition,” ani Domingo.
Pinuri rin ni outgoing ERC chairperson Monalisa Dimalanta ang hakbang na ito, na aniya’y nagpapakita ng liderato at malasakit sa mas bukas at patas na energy market.
“Kung ang malalaking kumpanya tulad ng PLDT, Smart at Meralco ay handang sumuporta sa mas malinis at mas makatarungang sistema ng kuryente, malinaw ang mensahe: kaya rin ng iba,” dagdag ni Dimalanta.
Layunin ng PLDT Group na mabawasan ng 40% ang kanilang greenhouse gas emissions pagsapit ng 2030 at suportahan ang pandaigdigang kampanya tungo sa Net Zero pagdating ng 2050.
