Tiniyak ng Manila Electric Company (Meralco) na nakahanda ang kanilang mga tauhan at linemen upang tugunan ang anumang posibleng problema sa suplay ng kuryente dulot ng patuloy na pag-ulan at epekto ng Severe Tropical Storm Crising at ng habagat.
Ayon kay Joe R. Zaldarriaga, Vice President at Head of Corporate Communications ng Meralco, mahigpit nilang binabantayan ang sitwasyon sa mga lugar na sakop ng kanilang serbisyo, lalo na’t marami pa rin ang nakararanas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
“Handa ang ating mga crew na rumesponde sa anumang concern kaugnay sa suplay ng kuryente,” pahayag ni Zaldarriaga. “Kasabay nito, pinaaalalahanan din namin ang publiko na sundin ang mga safety measure, lalo na kung may baha.”
Nagpaalala naman ang Meralco para sa lahat na siguraduhing naka-off ang main power switch o circuit breaker.
Narito ang ilang paalala mula sa Meralco para sa kaligtasan ng lahat:
- Siguraduhing naka-off ang main power switch o circuit breaker. Siguraduhing tuyo ang katawan bago humawak sa anumang electrical facility.
- I-unplug ang mga appliances at patayin ang mga permanently connected equipment. Kung maaari, tanggalin din ang mga ilaw sa socket.
- Linisin ang service equipment at circuit breaker gamit ang rubber gloves at rubber-soled shoes.
- Siguraduhing tuyo at malinis ang lahat ng electrical wires at koneksyon bago subukang gamitin muli.
- Ipasuri ang wiring system ng bahay at appliances sa isang licensed electrician bago buksan ang anumang gamit na nabasa ng baha.
Pinaalalahanan din ng Meralco ang publiko na panatilihing naka-charge ang mga cellphone, laptop, radyo at iba pang communication devices upang manatiling konektado sa oras ng emergency.
Para sa mga brownout o iba pang electrical concerns, maaaring makipag-ugnayan sa Meralco sa:
- Facebook: facebook.com/meralco
- Twitter/X: @meralco
- Text hotlines: 0920-9716211 / 0917-5516211
- Meralco Hotline: 16211
