Isang 9-buwan buntis na babae ang nasawi matapos madaganan ng tumumbang puno ng niyog habang pauwi mula sa paglalaba sa Barangay Ticulon, Huwebes ng hapon.
Ayon sa ulat, ang 23-anyos na biktima ay naglalakad pauwi sa kanilang bahay kasama ang alagang aso nang biglang bumagsak ang matandang puno ng niyog na tinatayang 100 taong gulang.
Walang kalaban-laban, parehong nadaganan ang babae at ang kanyang aso.
Patay agad ang alaga niyang aso, habang ang biktima naman ay mabilis na isinugod sa ospital pero idineklara ring dead on arrival. Hindi na rin nailigtas ang kanyang sanggol sa sinapupunan.
Nakakabigla ang pangyayari dahil ayon sa mga residente, maaliwalas at kalmado ang panahon nang mangyari ang insidente. Walang malakas na hangin o bagyo—bigla na lamang bumigay ang puno.
Nag-viral sa social media ang larawang kuha ng pulisya kung saan makikita ang asawang lalaki na mahigpit na yakap ang bangkay ng kanyang misis habang nakahandusay sa lugar ng insidente.
Lubos ang dalamhati ng mga taga-Barangay Ticulon sa sinapit ng buntis na biktima.
“Napakalungkot. Hinihintay na naming manganak siya kahit anong araw, ‘yun pala parehong mawawala sa kanila,” pahayag ng isang kapitbahay.
Patuloy ang paalala ng mga otoridad na suriin ang mga matandang puno sa paligid ng kabahayan upang maiwasan ang ganitong klaseng trahedya.
