Hindi nagpadaig ang Strong Group Athletics (SGA) sa 50-point fireworks ni Steven Green matapos nilang walisin ang Malaysia, 106-98, sa pagpapatuloy ng 44th William Jones Cup nitong gabi ng Hulyo 18, sa Taipei Heping Basketball Gymnasium.
Kahit nagsabog ng 50 puntos si Green, nanatiling matatag ang Pinoy squad gamit ang kanilang chemistry at matinding shooting, kabilang ang 27 assists at 11 tres, para makuha ang kanilang ika-anim na sunod na panalo.
Mula sa tambak na 77-56 lead, nakasingit pa ang Malaysia at naibaba ang lamang sa 101-93 sa huling dalawang minuto. Pero hindi nagpatinag ang SGA at tinapos ang laban na buo pa rin ang undefeated record.
Ngayong Sabado, Hulyo 19, susubukan ng SGA na manatiling walang talo kontra sa kapwa unbeaten na Bahrain. Ang mananalo sa laban ay may tsansang kunin ang liderato at posibleng makuha ang back-to-back Jones Cup crown.
Si Derrick Fenner ang bumida para sa SGA matapos magtala ng 20 puntos, 8 rebounds, at 4 assists sa loob ng 20 minuto. Bumalik din sa porma si Kiefer Ravena na kumamada ng 17 puntos.
Nagpasiklab din ang mga collegiate stars na sina Allen Liwag (CSB) – 16 puntos, 4 rebounds, 2 assists, 2 blocks; Dave Ildefonso – 13 puntos; Gian Chiu – 12 puntos; at Ange Kouame – 11 puntos.
Kahit nagpasabog ng 50 puntos, 8 rebounds at 2 steals si Steven Green, kinapos pa rin ang Malaysia sa kanilang ika-apat na talo sa anim na laro. Tumulong sina Chun Hong Ting (24 pts) at Yi Hou Wong (12 pts) pero kulang para mapigil ang Pilipinong koponan.
Kung magpapatuloy ang pananalasa ng SGA kontra Bahrain, posibleng makuha nila ang ikalawang sunod na kampeonato sa prestihiyosong torneo.
“Kahit may bumulaga ng 50 puntos, hindi kami matitinag. Team game ang panalo!” – sigaw ng Pinoy cagers. (RON TOLENTINO)
