Personal na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga nakaimbak na relief goods na ipamamahagi sakaling lumakas pa ang Tropical Storm Crising.
Kasama ang kanyang anak na si William Vincent Marcos, bumisita ang Pangulo sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) National Resource Operations Center ngayong umaga, Hulyo 19.
“Sana hindi na lumakas ‘yung bagyo. Pero kung sakaling lumakas pa, handang-handa tayo,” pahayag ng Pangulo sa mga mamamahayag.
Ayon sa DSWD, may 3 milyon na family food packs na nakaimbak sa mahigit 935 storage hubs sa buong bansa.
Bukod sa mga food packs, mayroong, P2.9 bilyong standby funds at stockpile; 28,107 ready-to-eat food boxes; 334,791 non-food items tulad ng hygiene kits, water containers, at emergency shelter materials; at P773 milyon na halaga ng karagdagang non-food supplies
Kumpiyansa si Marcos na kahit anong maging galaw ng bagyong Crising, may sapat na tulong na maibibigay ang pamahalaan sa mga maaapektuhan.
“Tatlong milyon na ang naka-pack, kaya siguro sapat na ‘yun kahit ano pang mangyari,” dagdag ng Pangulo.
Patuloy namang nakabantay ang gobyerno sa galaw ng bagyo at tiniyak na mabilis ang magiging aksyon kung sakaling lumala ang sitwasyon.
Paalala ng DSWD at ng Malacañang, maging alerto at sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan.
“Basta’t kay Crising man o sa kahit anong sakuna, hindi nagpapabaya ang gobyerno—nakaabang ang tulong,” paniniguro ng Palasyo.
