Pumanaw na sa edad na 87 si Connie Francis, ang pop sweetheart ng dekada ’50 at ’60 na sumikat sa mga awitin tulad ng “Who’s Sorry Now?” at “Pretty Little Baby.”
Kinumpirma ng kanyang kaibigan at publicist na si Ron Roberts ang pagpanaw ng singer ngayong Huwebes, Hulyo 18. Hindi na idinetalye ang sanhi ng kanyang pagkamatay, ngunit kamakailan lang ay inihayag ni Francis na siya’y naospital dahil sa matinding pananakit ng katawan.
Kamakailan lang, muling sumikat si Francis sa social media matapos maging viral sa TikTok ang kanyang kantang “Pretty Little Baby”, kung saan pati sina Kim Kardashian at Kylie Jenner ay nagbahagi ng video gamit ang kanyang kanta.
“Flabbergasted ako! Hindi ko akalain na 63 taon matapos ko irekord ang kantang ito, ay may bagong henerasyong naaaliw dito,” ani Francis sa isang TikTok video kamakailan.
Si Connie Francis, o Concetta Rosemarie Franconero sa totoong buhay, ay isa sa mga pinakamalalaking pangalan sa musika bago pa sumikat ang Beatles. Mula 1957 hanggang 1964, hindi siya halos nawala sa mga music charts.
Kabilang sa kanyang mga hit ay “Who’s Sorry Now?,” “Stupid Cupid,” “Lipstick on Your Collar,” “Everybody’s Somebody’s Fool,” “Don’t Break the Heart That Loves You” at “The Heart Has a Mind of Its Own”
Sumabak din siya sa pelikula, kabilang na sa “Where the Boys Are” at “Follow the Boys.”
Ngunit sa kabila ng tagumpay sa career, binuno ni Francis ang matinding personal na trahedya.
Ginahasa siya sa kanyang hotel room sa New York noong taong 1974 at hindi naaresto ang suspek. Pinatay din ang kanyang kapatid noong 1981 na si George habang palabas ng kanilang bahay sa New Jersey.
Na-diagnose din siya bilang manic-depressive, isinugod sa psychiatric hospital at minsan sinubukan pang magpakamatay sa pamamagitan ng overdose sa sleeping pills.
Dahil sa kanyang karanasan, itinalaga siya ni dating US President Ronald Reagan bilang miyembro ng Task Force on Violent Crime.
Apat na beses siyang nagpakasal, pero sinabi niya mismo na “isa lang sa kanila ang worth it.” Ang kanyang love story kay Bobby Darin, isa ring teen idol, ay nasira matapos tutukan ng baril ng kanyang ama si Darin nang mabalitaang magpapakasal sila.
Noong 1984, inilathala niya ang kanyang autobiography na may parehong titulo sa kanyang sikat na kanta – “Who’s Sorry Now?” kung saan inilahad niya ang sakit at pagsubok na pinagdaanan niya sa buhay.
“Ang personal kong buhay, puro pagsisisi mula A hanggang Z,” sabi niya sa isang panayam noon.
Si Connie Francis ay isa sa mga natatanging boses ng kanyang henerasyon, isang simbolo ng musika ng kabataan bago pumasok ang rock revolution.
Ngayon, tahimik na siyang nagpahinga—pero ang kanyang mga awitin ay siguradong mananatili sa alaala ng mundo.
