Nanawagan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) nitong Huwebes sa mga local government units (LGUs) sa Metro Manila at iba pang urban areas na gumamit ng siyensiyang batayan at mas proaktibong hakbang laban sa lumalalang problema sa pagbaha bunsod ng mas malalakas na pag-ulan dulot ng climate change.
Ayon sa DENR, batay sa datos ng PAGASA, lumaki na ang volume ng ulan ngayong taon, indikasyon ng matinding pagbabago sa klima na nagpapalala sa problema ng pagbaha sa mga siyudad tulad ng Metro Manila.
“Ang makabuluhang pagbabago sa mga weather pattern ay nagdudulot ng matinding hamon, lalo na sa mga urban area kung saan hindi na kayang saluhin ng drainage systems ang dami ng tubig-ulan, kaya nagdudulot ito ng malawakang pagbaha,” pahayag ng DENR.
Hinimok ng DENR ang mga LGU na isama sa kanilang flood risk reduction at solid waste management plans ang mga hakbang tulad ng pag-upgrade sa drainage systems para kayanin ang mas madalas at mas malalakas na buhos ng ulan; mas mahigpit na pamamahala ng basura upang maiwasan ang barado sa mga kanal at estero; pakikipagtulungan sa komunidad sa paggawa at pagpapatupad ng localized flood prevention programs; at pagsasaayos ng ecosystem sa pamamagitan ng green infrastructure tulad ng urban parks at rain gardens para mapabilis ang pag-absorb ng tubig ulan
Ayon sa DENR, ang baradong daluyan ng tubig dahil sa basura ay isa sa pangunahing dahilan kung bakit matindi ang pinsala ng pagbaha sa mga siyudad.
“Habang humaharap tayo sa mga epekto ng climate change, mahalagang iakma natin ang urban planning para maprotektahan ang ating mga komunidad,” dagdag ng DENR.
Tiniyak ng DENR ang kanilang patuloy na pakikipag-ugnayan sa LGUs at publiko para palakasin ang flood resilience at isulong ang sustainable urban development sa gitna ng lumalalang pagbabago ng klima.
