MALUBHANG nasugatan ang 39-anyos na ginang na hinihinalang sangkot sa illegal na droga matapos barilin ng hindi kilalang suspek sa Caloocan City.
Nakaratay habang ginagamot sa Caloocan City Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala sa dibdib ang biktimang si alyas “Josie”, residente ng Tanigue St. Brgy. 14.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng Caloocan police na dakong alas-5 ng hapon ng Martes nang barilin ang biktima ng hindi pa nakikilalang suspek sa harap ng Macario Asistio Sr. High School sa Pampano St. Dagat-Dagatan.
Matapos ang insidente, tumakas ang gunman patungo sa hindi matukoy na direksyon habang isinugod naman ang biktima sa naturang pagamutan.
Gayunman, bago siya isailalim sa operasyon, ay nakuha sa kanya ng attending nurse, ang dalawang plastic sachets na naglalaman ng hinihinlang shabu at isang cellular phone na inireport kaagad sa pulisya.
Sa ulat ni P/MSg Joel Bancure ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kay Caloocan Police OIC chief P/Col. Joey Goforth, nasa 1.5 gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P10,200 ang nakuha sa ginang.
Mahaharap ang ginang sa kasong paglabag sa Section 11 ng R.A. 9165 (Illegal Possession of Dangerous Drugs) habang patuloy naman imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan sa suspek at sa tunay na motibo sa pamamaril sa biktima.
