File photo
Agad na dinagsa ng publiko ang bagong online driver’s license renewal system ng Land Transportation Office (LTO) matapos itong ilunsad nitong Huwebes, Hulyo 14, 2025.
Ayon sa LTO, umabot sa 10,000 katao ang nag-access sa platform sa unang isang oras matapos itong ianunsyo sa publiko sa pamamagitan ng eGovPH app.
Layunin ng online renewal system na gawing mas mabilis at mas maginhawa ang proseso ng pag-renew ng lisensya, bilang bahagi ng malawakang digitalization drive ng Department of Transportation (DOTr) sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Vince Dizon.
Ito rin ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gawing digital ang lahat ng transaksyon sa gobyerno.
Ayon kay Acting LTO Chief Atty. Greg G. Pua, Jr., patunay ang dami ng nag-access sa app na mas pinipili na ngayon ng mga Pilipino ang digital na paraan ng pag-asikaso ng mga dokumento.
“Hindi na kailangang mag-absent o mag-leave ang mga kliyente natin para lang magrenew ng lisensya. Maaari na itong gawin mula sa bahay, opisina, o kahit saan sa bansa—kahit nasa abroad pa,” pahayag ni Pua.
Malaking tulong din umano ito sa mga OFW na dati ay kailangang umuwi pa para asikasuhin ang renewal ng kanilang lisensya.
Upang magamit ang online renewal, kailangan lamang i-download ang eGovPH app mula sa App Store o Google Play. May kasamang security verification ang app upang masiguro ang kaligtasan ng account, na binuo sa pakikipagtulungan sa Department of Information and Communications Technology (DICT) sa ilalim ni Secretary Henry Aguda.
Mula sa application process hanggang sa pagpili ng courier delivery service, gagabayan ng app ang mga user para sa mabilis at maayos na transaksyon.
Tiniyak ni Pua na hindi titigil ang LTO sa paghanap ng paraan para mapabuti ang serbisyo para sa publiko.
“Hindi po magsasawa ang inyong LTO na maghanap ng lahat ng paraan upang patuloy na mapabuti ang serbisyo sa ating mga kababayan,” dagdag niya.
Inaasahan ng LTO na lalo pang dadami ang mga Pilipinong gagamit ng online platforms para sa kanilang lisensya at iba pang transaksyon sa mga susunod na buwan.
