Permanenteng ipinagbawal ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pagpasok at pagbisita ni Fides Lim, tagapagsalita ng grupong Kapatid, sa lahat ng kulungan at penal farms sa bansa dahil sa umano’y paulit-ulit na paglabag sa mga alituntunin ng piitan at “arroganteng” pag-uugali.
Kinumpirma ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang sa isang liham na ipinadala kay Justice Secretary Crispin Remulla noong Hulyo 12, 2025, na nagsimula ang ban kay Lim noong Abril 29, 2025 matapos ang masusing imbestigasyon at pagtitipon ng mga testimonya mula sa mga corrections personnel.
Ilan sa mga inirereklamo kay Lim ay ang umano’y mga sumusunod:
Pebrero 25, 2024 – Tumanggi umano si Lim na sumunod sa pila, nakialam sa ibang bisita upang mauna sa pila, nilabag ang patakaran sa pagdadala ng gamot, at hindi sumunod sa parking regulations sa loob ng piitan.
Marso 24, 2024 – Tumanggi umanong magpa-body frisk at nagbanta na sasampahan ng kaso ang lahat ng personnel kung ipipilit ang seguridad.
Abril 7, 2024 – Lumabag sa seguridad sa pamamagitan ng pagpa-interbyu ng PDL (Persons Deprived of Liberty) ng De La Salle University School of Law na hindi bahagi ng aprubadong aktibidad. Tinangka rin umanong ipasok ang donasyon nang walang pahintulot at walang sumailalim sa body frisking.
Oktubre 19, 2024 – Muling ipinakita umano ang “pattern” ng kawalan ng respeto sa seguridad at mainit na pakikitungo sa mga opisyal ng BuCor, kabilang ang mga mataas na opisyal, sa kanyang pagbisita sa Medium Security Camp ng New Bilibid Prison.
Nilinaw ni Catapang na lahat ng bisita, kilala man o hindi, ay dapat sumunod sa mga panuntunan sa loob ng piitan.
“May mga dapat sundin na proseso kapag bumibisita sa PDL. Walang special treatment; pantay-pantay ang lahat,” pahayag ni Catapang.
Dagdag pa niya, mahalaga ang mahigpit na seguridad upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga kawani at PDLs sa loob ng piitan.
Nilinaw rin ni Catapang na wala umanong “political prisoner” sa kasalukuyan.
“Lahat ng PDL ngayon ay nahatulan na ng korte dahil sa mga kasong nilabag sa estado,” aniya.
Si Fides Lim ay kilalang tagapagsalita ng Kapatid, isang grupong sumusuporta sa mga political detainees at kanilang mga pamilya. Wala pang pahayag si Lim ukol sa isyu sa oras ng pagsulat ng balitang ito.
