Nagbitiw sa kanyang pwesto si Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Monalisa Dimalanta nitong Lunes, Hulyo 14, 2025.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), isinumite ni Dimalanta ang kanyang “irrevocable resignation” sa Office of the President. Kinumpirma ito ni PCO press officer Claire Castro sa mga Malacañang reporters.
Wala pang kumpirmasyon kung tinanggap na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibitiw ni Dimalanta, o kung maglalabas ng panibagong direktiba hinggil sa liderato ng ERC.
Kapag naging pinal ang pagbibitiw ni Dimalanta, maiiwan ang ERC na kulang sa quorum—dahil dalawa na lamang sa limang commissioner ang natitira.
Retirado na sina Commissioners Alexis Lumbatan at Catherine Maceda noong Hulyo 10 matapos tapusin ang kanilang pitong taong termino.
Samantala, ang dalawang natitirang commissioner na sina Floresinda Baldo-Digal at Marko Romeo Lizada Fuentes ay may termino hanggang 2027.
Si Dimalanta sana ay nakatakdang manatili bilang ERC chair hanggang 2029.
Ang kakulangan sa quorum ay nangangahulugan na hindi basta makakagalaw ang ERC pagdating sa mga mahahalagang desisyon, tulad ng pag-apruba ng power rate adjustments, pagresolba ng disputes, at pag-regulate ng industriya ng kuryente.
Wala pang pahayag si Dimalanta tungkol sa dahilan ng kanyang pagbibitiw.
Inaasahan ng energy sector at mga stakeholder ang desisyon ng Malacañang kung sino ang papalit kay Dimalanta at kung paano popunuan ang bakanteng posisyon sa ERC board.
Ang ERC ang pangunahing ahensyang nagbabantay sa presyo ng kuryente, mga paniningil ng power distributors, at iba pang regulatory functions na kritikal sa ekonomiya at sa mga konsyumer.
