NASAGIP ng mga nagpapatrolyang pulis mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang babaeng biktima ng pananakit ng kanyang live-in partner sa Barangay Tumana, Marikina City, madaling araw ng Hulyo 14, 2025.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-12:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng isang bahay sa Ampalaya Street.
Nagkaroon umano ng matinding pagtatalo ang mag-live-in partner dahil sa personal na alitan, na nauwi sa karahasan.
Sa gitna ng selos at galit, sinaksak ng suspek ang biktima sa kanang braso gamit ang kutsilyo, saka hinabol ito palabas ng bahay at pinagsusuntok sa mukha.
Nakita ng mga nagpapatrulyang pulis at barangay responder ang biktima na umiiyak at humihingi ng saklolo. Agad siyang nilapitan at tinanong kung ano ang nangyari. Matapos malaman ang insidente, mabilis na tinugis at inaresto ng mga awtoridad ang suspek.
Sinabihan ng mga pulis ang suspek ng kanyang mga karapatan at dinala siya sa pinakamalapit na ospital para sa medical at physical examination. Kasunod nito, itinurn-over siya sa Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Marikina City Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Marikina CPS Custodial Facility at inaayos na ang mga dokumento para sa inquest proceedings sa ilalim ng Republic Act No. 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
