
Kumpirmado ng Los Angeles County Coroner’s Office na ang pagkamatay ni Paolo Tantoco, opisyal ng Rustan’s Commercial Corporation at kilalang miyembro ng prominenteng Tantoco clan, ay sanhi ng accidental cocaine overdose.
Ayon sa ulat ng Hollywood LA News noong Hulyo 9, lumabas sa isinagawang toxicology test ng deputy medical examiner na si Tantoco ay namatay dahil sa labis na paggamit ng ilegal na droga. Siya ay natagpuang wala nang malay sa kanyang kwarto sa Beverly Hilton Hotel, Beverly Hills noong Marso 8, isang araw matapos ganapin sa parehong lugar ang Manila International Film Festival (MIFF) tribute gala.
Si Tantoco, 44 taong gulang, ay nasa Los Angeles bilang bahagi umano ng entourage ni First Lady Liza Araneta-Marcos sa pagpo-promote ng MIFF mula Marso 4 hanggang 7. Kinabukasan matapos ang event, natagpuan siyang wala nang malay at kalauna’y idineklarang patay.
Ang kanyang mga labi ay agad na inuwi sa Pilipinas at inilibing ng pribado makalipas ang ilang araw.
Si Tantoco ay Assistant Vice President sa Rustan’s group, isang kompanyang pinamumunuan ng kanilang pamilya. Dati rin siyang Chief Operating Officer ng Pacific Links Golf Development Inc. at Chief Security and Procurement Officer ng Sta. Elena Golf and Country Estate.
Iniwan niya ang kanyang asawang si Dina Arroyo-Tantoco, na kasalukuyang Deputy Social Secretary ng Malacañang, at ang kanilang tatlong anak.
Bagama’t walang opisyal na pahayag mula sa pamilya o sa Palasyo hinggil sa insidente, ikinabigla ng high society at business circles sa Pilipinas ang balitang ito. Isang matayog na pigura sa mundo ng luxury retail at sports development, si Tantoco ay kilala sa kanyang tahimik ngunit epektibong estilo ng pamumuno.
Sa kabila ng kumpirmadong overdose, patuloy pa rin ang ilang pagsisiyasat ng mga awtoridad sa Los Angeles upang malaman ang iba pang detalye ng insidente. Hindi malinaw kung saan nakuha ang droga at kung sino ang mga huling taong nakasama ng biktima.
