Ipinahayag ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na hindi siya dadalo sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa darating na Hulyo 28, bilang protesta sa naging papel umano ng administrasyon sa International Criminal Court (ICC) case na humantong sa pagkaka-aresto ng dating pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam nila Ted Failon at DJ Chacha sa 105.9 True FM noong Hulyo 10, mariing sinabi ni Dela Rosa:
“Ayokong makipagplastikan. Masama ang loob ko, kaya ayaw kong makipag-smile-smile sa mga taong may kinalaman sa nangyari.”
Matatandaang naaresto si Duterte noong Marso 11, pagbalik niya mula Hong Kong, at dinala sa The Hague para harapin ang mga kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong war on drugs ng kanyang administrasyon.
Itinuturo ni Dela Rosa ang Marcos Jr. administration na may papel sa pagtutulungan sa ICC para maisakatuparan ang pag-aresto. Si Dela Rosa, na dating hepe ng PNP at isa sa mga pangunahing tagapagpatupad ng drug war, ay isa sa mga itinuturing na malapit na kaalyado ni Duterte.
Hindi rin pinalampas ni Dela Rosa ang pag-impeach kay Bise Presidente Sara Duterte sa Kamara, sa pamumuno ni Speaker Martin Romualdez.
“Ayoko ring makita yung mga kongresista roon. Smile-smile tayo pero ang totoo, masama ang loob natin. Kaya ‘wag na lang.”
Si VP Duterte ay kinasuhan sa Kamara dahil umano sa hindi maipaliwanag na yaman, maling paggamit ng confidential funds, at mga kontrobersyal na pahayag tungkol sa planong pagpatay sa kanya.
Nilinaw ng senador na sariling desisyon lamang ito, at hindi niya dinadamay sina Senador Bong Go at Robin Padilla, na kapwa miyembro ng tinatawag na “Duterte boys.”
“Individual decision-making ‘yan. Kung ayaw mo, huwag mong idamay ang iba,” ani Dela Rosa.
“Basta ako, personally, hindi ko feel. Ayokong makipagplastikan.”
Dinepensahan rin ni Dela Rosa ang resolusyong inihain ng mga “Duterte boys” sa Senado para hilingin sa gobyerno na pauwiin sa Pilipinas si dating Pangulong Duterte, na ayon sa kanila ay labis nang nangayayat at humihina sa kulungan sa Scheveningen Prison sa Netherlands.
Ngunit sinalubong ito ng matinding pagtutol mula sa mga human rights groups at pamilya ng drug war victims, na nagsabing banta ito sa hustisya at kaligtasan ng mga testigo.
Kabilang sa tinaguriang “Duterte bloc” sa ika-20 Kongreso sina Sen. Ronald Dela Rosa, Sen. Bong Go, Sen. Robin Padilla, Cong. Rodante Marcoleta, Sen. Imee Marcos, Sen. Mark Villar at Cong. Camille Villar.
