Hindi na tsismis, kumpirmado na! Matagal na palang taken ang SB19 leader na si Pablo Nase, ayon sa isang mapagkakatiwalaang source. Ang maswerteng babae? Si Tine Busano — isang pribadong personalidad na matagal nang bahagi ng buhay ng “Pinuno.”
Ayon sa source, si Busano ay minsan nang namataan sa taping ng “The Voice Kids”, kung saan naging coach si Pablo, at dumalo rin sa mga selebrasyon ng IZ Entertainment. Kilala rin siya bilang empleyado sa marketing team ng isang malaking bangko.
Bagamat walang opisyal na pag-amin mula sa kampo ni Pablo, mga larawan mula noon hanggang ngayon ang nagsilbing “soft launch” ng relasyon nila. Kamakailan lang, naispatan si Tine sa isang Siargao trip kasama ang buong SB19 at ang banda na The Juans.
Sa social media, umalingawngaw ang #PinunoTaken matapos maglabasan ang mga ebidensiya. Nagbunyi ang fans na kilala bilang mga Hotdogs, at marami ang nagsabing matagal na nilang alam ang tungkol sa relasyon pero respetado nila ang privacy ng idol.
Ang nakakakilig pa, hindi bagong relasyon ito. Ayon sa mga loyal fans, trainee days pa lang ay kasama na ni Pablo si Tine. Sa kabila ng kasikatan ng SB19, nanatiling pribado ang kanilang pagmamahalan.
“Loyal si Pinuno. She’s been with him since day one. Masaya kami para sa kanila,” ayon sa isang fan sa X (dating Twitter).
Sa ngayon, tikom pa rin ang bibig ni Pablo ukol sa kanyang love life. Ngunit sa gitna ng mga haka-haka at usapan, tila masayang-masaya si Pinuno sa kanyang personal na buhay, at suportado ito ng kanyang fans.
Kung kelan o kung maglalabas man siya ng official statement, ‘yan ang aabangan ng lahat.
