Ikinatuwa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang hakbang ng Department of Justice (DOJ) sa paghahain ng 18 kasong kriminal laban sa dalawang malalaking kumpanya at mga opisyal nito na sangkot umano sa paggamit ng ghost receipts o pekeng resibo upang makaiwas sa buwis.
Ayon sa BIR, ang reklamong isinampa laban sa ED Buenviaje Builders, Inc. at Synergy Sales International Corp. (SSIC) ay bunga ng masusing imbestigasyong isinagawa matapos ang reklamong inihain noong Nobyembre 22, 2023.
Noong Abril 10, pormal na isinampa ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang mga kaso sa Court of Tax Appeals, na sumasaklaw sa paglabag sa Section 254 (Attempt to Evade or Defeat Tax) at Section 255 (Failure to Supply Correct and Accurate Information) ng National Internal Revenue Code of 1997.
Sa isinagawang imbestigasyon, natuklasan na gumamit ang dalawang kumpanya ng pekeng resibo mula sa mga shell corporation na Buildforce Trading, Inc. at Decarich Supertrade, Inc. para suportahan ang di-umano’y pekeng transaksyon, palakihin ang gastos, at ilegal na makakuha ng input VAT credits upang pababain ang kanilang buwis.
Kabilang sa mga isinakdal ay sina Ernesto SD Buenviaje at Ruselle Anne Buenviaje ng ED Buenviaje Builders, Inc. gayundin sina Arthur See at Betty Lim See ng Synergy Sales International Corp.
Tinatayang umabot sa ₱73.3 milyon ang kabuuang halaga ng buwis na nais sanang takasan ng mga akusado—hindi pa kasama rito ang mga karampatang penalty at surcharge.
