PATAY ang isang lalaki matapos ang umano’y insidente ng pamamaril bandang alas-9:00 ng gabi nitong Hulyo 10, 2025 sa tapat ng City Scape Café sa Col. Guido Extension, Barangay San Roque, Angono, Rizal.
Ayon sa Angono Municipal Police Station (MPS), isang tawag ang natanggap ng kanilang desk officer mula sa Binangonan MPS Main Tactical Operations Center (MTOC) bandang alas-11:00 ng gabi, hinggil sa naturang insidente.
Agad namang rumesponde ang mga imbestigador at patrol personnel sa lugar. Sa paunang imbestigasyon, lumabas na ang biktima na si alyas “Reymond,” 46-anyos, ay pasahero ng isang joyride motorcycle at pauwi na sana nang magsabing nakararamdam siya ng matinding sakit.
Ayon sa driver ng motorsiklo, napilitang tumigil sila sa nasabing café upang alamin ang kalagayan ng biktima. Doon ay kanyang napansin na may dumadaloy nang dugo sa katawan ni Reymond. Agad silang humingi ng tulong sa mga customer ng café, na siyang tumawag sa mga awtoridad.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang masusing imbestigasyon ng pulisya upang matukoy kung saan at paano nabaril ang biktima, at kung sino ang nasa likod ng pamamaril. Inaalam din ng mga imbestigador kung may CCTV footage na makatutulong sa kaso.
Hinihikayat ng Angono MPS ang sinumang may impormasyon ukol sa insidente na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan upang agad na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Reymond.
