
MANDALUYONG CITY — Pormal na nagsampa ng kasong kriminal ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang laban sa isang whistleblower na umano’y nagsangkot sa kanya sa pagkawala at sinasabing pagpatay sa mahigit 100 sabungero na sangkot umano sa ilegal na e-sabong.
Sa presensya ng kanyang legal team, nagsumite si Ang ng reklamo sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office laban kina Julie “Dondon” Patidongan alyas “Totoy” at Alan Bantiles alyas “Brown”. Kabilang sa mga isinampang kaso ang grave threats, grave coercion, slander, conspiracy to commit attempted robbery with violence or intimidation, at incriminating innocent persons.
Sa isang press conference matapos ang pagsasampa ng kaso, iginiit ni Ang ang kanyang kawalan ng kaugnayan sa pagkawala ng mga sabungero, na umanoy biktima ng pagdukot at pamamaslang.
“Kaya ako nandito, para labanan ang kasinungalingan. Ako at ang mga kasamahan ko ay mga disenteng tao, wala kaming krimen,” ani Ang.
Sa kanyang affidavit, sinabi ni Ang na si Patidongan ay dating farm manager at head of operations and security sa kanyang mga sabungan sa Lipa, Batangas; Sta. Cruz, Laguna; at Sta. Ana, Maynila.
Mariin din niyang itinanggi ang paratang ni Patidongan na siya umano ang utak ng serye ng pagdukot at pagpatay sa mga sabungero. Pinanindigan din niya na wala ring kinalaman ang mga kasamahan niya sa Pitmaster’s Group A, kabilang si actress Gretchen Barretto.
“Investor lang ang Group A. Wala silang kinalaman sa operasyon, marketing lang ang involvement ni Gretchen paminsan-minsan,” dagdag pa ni Ang.
Pinabulaanan ni Ang ang alegasyon ni Patidongan na inalok siya ng ₱300 milyon para umatras sa kanyang mga pahayag. Ayon sa abogado ni Ang na si Atty. Caroline Cruz, lumabas lamang ang isyung ito matapos may common friend na nagpahiwatig na “bayaran na lang si Dondon para tumigil na ito.”
Sinabi rin ni Ang na nakatanggap si Patidongan ng ₱12 milyon mula sa kanya mula Pebrero hanggang Abril 2025 para sa kanyang pagtakbo bilang mayor sa Barobo, Surigao del Sur. Ayon pa sa kanya, si Bantiles ay humingi rin ng ₱300 milyon bilang ‘separation pay’ upang hindi na idawit si Ang sa isyu.
“Nagmura na ako dahil hinihingan ako ng ₱300 milyon. May mga resibo kami ng perang ibinigay para sa kampanya nila,” giit ni Ang.
Dagdag pa niya, labis ang kanyang pagkakabigo sa ginawang umano’y pagtataksil ni Patidongan, na itinuring pa umano niyang parang anak.
Hinimok naman ni Atty. Lorna Kapunan, legal counsel ni Ang, ang mga awtoridad na muling pag-aralan kung karapat-dapat pa si Patidongan na mapabilang sa Witness Protection Program (WPP). Giit niya, si Patidongan ang “pinaka-guilty” sa mga iniuugnay na krimen.
“Siya ang direktang in-charge sa operasyon. Siya ang farm manager at may direktang partisipasyon sa mga krimeng isinampa sa RTC Manila,” ayon kay Kapunan.
Tiniyak ni Ang ang kanyang buong kooperasyon sa imbestigasyon ng pamahalaan ukol sa nawawalang mga sabungero. Nakikiusap din siya sa mga pamilya ng mga biktima na hintayin ang paglabas ng katotohanan.
“Wala kaming kinalaman diyan. Ang grupo namin ay sabong lang ang hilig, walang alam sa nangyaring gulo,” aniya.
Matatandaang si Patidongan ay dating nasangkot sa 2021 abduction ng e-sabong master agent na si Ricardo Lasco, na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan. Siya ay pansamantalang nakalaya noong Disyembre 2023 matapos magpiyansa ng ₱3 milyon, ngunit ito ay binawi ng Court of Appeals noong Enero 2025.
Kinumpirma ng Malacañang na inatasan ni Pangulong Marcos Jr. ang mga awtoridad na ipagpatuloy ang malalimang imbestigasyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero
