
QUEZON CITY – Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na habulin ang mga pasaway na motorista bilang bahagi ng pinaigting na kampanya para sa kaligtasan sa kalsada, binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya ng jeepney driver na sangkot sa isang nakamamatay na aksidente sa Commonwealth Avenue noong Abril 13, 2025.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, napatunayang guilty sa reckless driving ang nasabing driver sa isinagawang imbestigasyon ng ahensya. Dahil dito, siya ay pinatawan ng maximum fine na ₱2,000 at permanente nang binawi ang kanyang lisensiya.
“Inaprubahan ko ang pagbawi sa kanyang driver’s license dahil siya ay hindi na karapat-dapat magmaneho ng sasakyang de-motor,” pahayag ni Asec. Mendoza.
Sa nasabing insidente, ang pampasaherong jeep ay mabilis na tumatakbo at bumangga sa isa pang sasakyan habang bumabaybay sa Commonwealth Avenue. Dahil sa impact, tumagilid ang jeep at nahulog sa kalsada ang dalawang estudyante na pauwi mula sa kanilang ROTC training—kapwa sila nasawi.
Hindi bababa sa 16 pang pasahero ang nasugatan sa trahedya.
Batay sa imbestigasyon, lumabag ang jeepney driver sa alituntunin ng reckless driving, hindi lamang dahil sa mabilis na takbo kundi dahil din sa paglabas sa tamang linya para sa pampublikong sasakyan sa Commonwealth Avenue.
Kabilang pa sa mga naging dahilan ng diskwalipikasyon ng driver ay ang kawalan ng pagbagal ng takbo sa pababang bahagi ng kalsada at ang pagresultang aksidente na ikinasawi ng mga biktima.
“Magsilbi sana itong leksyon sa lahat tungkol sa disiplina at kaligtasan sa kalsada. Sa kapabayaan sa pagmamaneho, nawalan ng buhay ang mga pasahero, at nawalan ng kabuhayan ang driver,” dagdag ni Asec. Mendoza. Nanindigan ang LTO na patuloy nitong ipatutupad ang mga reporma at mahigpit na pagbabantay sa mga tsuper upang matiyak ang kaligtasan ng bawat Pilipino sa lansangan.
