

Pormal nang inanunsyo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at ng Fédération Internationale de Basketball (FIBA) na Pilipinas ang magiging host country ng 2027 FIBA Women’s Asia Cup, mahigit isang dekada matapos huling idaos ang prestihiyosong continental tournament sa bansa noong 2013.
Ang desisyon ay inilabas kasunod ng FIBA Asia Board meeting noong Hunyo 26, at inaprubahan ngayong Hulyo 3.
“We are excited to return to the Philippines for a FIBA Asia event,” pahayag ni FIBA Executive Director-Asia Hagop Khajirian.
“Naniniwala kaming makatutulong ang pagho-host ng Pilipinas sa pagpapalakas ng women’s basketball sa Asia, at lalo na sa loob ng bansa kung saan napakalaki ng suporta sa basketball.”
Huling nag-host ang Pilipinas ng isang FIBA Asia tournament noong 2013, na kilala pa noon bilang FIBA Asia Championships, kung saan nagtapos bilang second place ang Gilas Pilipinas at nakakuha ng tiket papuntang 2014 FIBA World Cup sa Spain.
Simula noon, sunod-sunod na ang pagsali ng bansa sa mga world-class tournaments gaya ng FIBA World Cups noong 2019 at 2023, ang huli ay co-hosted kasama ang Japan at Indonesia.
Sa women’s division, matagumpay namang nakapasok ang Gilas Women sa Division A noong 2017 at naging bahagi ng elite teams ng kontinente, kabilang na sa darating na 2025 edition sa Shenzhen, China.
Sa panig ng SBP, buo ang suporta ng organisasyon sa pagtutulak ng mas inklusibong basketball development sa bansa.
“The Samahang Basketbol ng Pilipinas is proud to be the host for the 2027 FIBA Women’s Asia Cup,” ani SBP President Alfredo S. Panlilio.
“Panahon na para mas palakasin natin ang women’s basketball. Ngayon ay tamang-tama ang timing dahil may momentum na ito—may sarili nang professional league ang kababaihan at may mga players na ring naglalaro sa abroad.”
Ayon sa SBP, makatutulong ang pag-host ng Pilipinas sa pag-angat ng kamalayan, suporta, at oportunidad para sa mga kababaihan sa sports, partikular sa basketball, na patuloy na tinatangkilik ng milyun-milyong Pilipino. (RON TOLENTINO)